![]() |
Bakit ba ako naging #Aldub fan? |
ni Noel Lapuz
Pambihira ang trending sa social media ng Aldub nitong mga nakaraang linggo. Hindi lamang ito Philippine trending kundi worldwide. Isang phenomenon na maituturing ang tambalang ito.
Bihira siguro sa atin ang hindi sila kilala pero for the sake ng mga hindi pa nakakakilala sa Aldub, sila po ay pinagsamang pangalan nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) na unang sumikat sa social media dahil sa kaniyang mga patok na dubsmash. Si Alden naman ay bagong miyembro (Dabarkads) ng Eat Bulaga. Dahil sa isang unadulterated video ni Yaya Dub na kinilig nang makita si Alden via camera ay naka-relate, kinilig, sinakyan, at natuwa ang mga viewers.
Dito nagsimula ang tuksuhan, interaction at natahi ang istorya nina Alden at Yaya Dub. After a few days, nabuo ang Kalye Serye na nagha-highlight ng kilig, tawanan, mga eksenang ka-abang-abang at moral values na laging isinisingit ni Lola Nidora (ang amo ni Yaya Dub). Hindi tulad ng ibang teleserye, live na nangyayari ang Kalye Serye as a segment ng Eat Bulaga. Umani ito ng suporta mula sa television at social media. Milyon milyon ang nagti-tweet ng #Aldub worldwide. Nabuo ang #AldubNation na isang samahan ng mga netizens na sumusuporta sa Aldub. Hindi magkamayaw ang mga audience sa Eat Bulaga araw-araw para makita si Alden at Yaya Dub. In less than a month or so, sumikat sila nang husto hindi lamang sa Pinas kundi sa maraming Filipino communities worldwide.
Ang tanong, bakit kaya ganito na lang ang biglang sikat ng Aldub? Maraming components ang pagsikat ng mga personalidad at bagay. Number one, tanggap sila ng tao. Swak sila sa panlasa ng mga viewers. At bakit sila tanggap ng viewers? Dahil hindi sinadya ang mga nangyari. Hindi scripted ang unang kilig at patuloy na kilig ni Yaya Dub at pati na rin ni Alden habang tumatagal. Hindi beauty queen kundi tipikal na gerlalu (babae) si Yaya Dub kaya nakarelate sa kaniya ang maraming kababaihan both young and old. Bigla ding nare-discover ang gandang lalake ni Alden. Ang bottom line, nagpa-kilig sila ng tao. Nasundot nila ang kiliti ng tao.
Mababaw nga ba ang kaligayahan ng mga Pinoy o sadyang masayahin lang tayo?
Kapag tinira ko ang Aldub sa article kong ito ay baka abangan ako sa downtown ng mga fans o tirahin ang aking Facebook account. Pero hindi ko talaga gagawin yan dahil fan din ako ng Aldub. Ang tanong ko sa sarili ko ay, bakit ako naging fan ng Aldub? Ang panonood ko ng Kalye Serye ay via social media or Facebook. May mga pagkakataon na sa bus pa ako nanonood at tumatawa nang pigil dahil nakakahiya sa mga kasakay kong bus riders. Kapag Sabado naman ay nirerecord ito ni Misis para mapanood ko nang late night or Sunday sa wide screen kasama si Kumander (ang aking Yaya Dub).
Nakakawala ng stress. Buong araw na akong nag-iisip, nag-aanalisa at nakikipag interact nang seryoso. Hindi ba’t karapatan ko naman na pahupain ang isip ko at manood ng ikare-relax ng pagod kong utak? Ano ang pakialam ko sa mga bashers ng Aldub na nagsasabing mababaw daw ang format ng Aldub? Mababaw nga. Pero ang kababawan at pagiging natural nito ay malaking tulong sa mga katulad naming pagod sa trabaho mentally at physically. Mali bang maging mababaw? Hindi siguro sa lahat ng pagkakataon. Kung ang kababawan ay nakatutulong sa iyo para mabalanse ang buhay mong nakatuon sa pamilya, trabaho, negosyo at career ay masasabi kong hindi ito nakasasama bagkus ay nakakapagdulot pa ito ng positibong spirit sa iyong buhay. Masarap ang pakiramdam at good vibes ang idinudulot ng Aldub.
Focused pa rin sa priorities. Hindi dahil sa fan ako ng Aldub ay maya’t maya na ang pagsubaybay ko sa kanila. Katangahan naman ang maging ganito. Ang sabi nga ni Lola Nidora, sa “tamang panahon.” May panahon ang bawat bagay. Panahon para sa Diyos, para sa pamilya, trabaho at iba pang bagay. Sa mga taga Winnipeg, okay lang na magpuyat at abangan nang live ang Eat Bulaga nang hating gabi dito sa Canada kung hindi ito makakaapekto sa inyong mga gaggawin kinabukasan. Baka naman kasi pupungas-pungas kang papasok nang umaga dahil die hard kang manood ng live na Kalye Serye. Pero kung kaya naman ng iyong powers, aba eh, kung saan ka masaya!
Nagbabasa pa rin ako at nag-aanlisa ng mga importanteng isyu ng Canada at Pinas. Hindi pinalitan ng Aldub ang regular kong routine na magbasa na mga balita tungkol sa Canada at Pilipinas, OFW news at marami pang iba. Katatapos lamang ng federal election ng Canada at lagi akong nakatutok kung ano ang mga unang gagawing polisiya at pagbabago ni Prime Minister-designate Justin Trudeau at sino ang uupo sa kaniyang gabinete. Sa Pilipinas naman, updated din ako sa katatapos na bagyo, baha at ang painit nang painit na bakbakan ng mga presidential candidates. Hindi rin sa akin nakalampas ang pagpasa ng Executive Policy Committee (EPC) ng City of Winnipeg sa pagdadag ng uutangin ng siyudad na tumataginting na $200 million dollars para maisakatuparan ang mga infrastructure projects! Ang iyak ng mga Winnipeggers, sa property taxes n’yo na naman kukunin ang napakalaking proposed debt ceiling na ito. Sa dami ng mga isyung ito na hindi naman related sa trabaho ko pero impacted ako bilang isang taxpayer ay super stressful na ang buhay. Kaya kailangan, kung may pagkakataon ay kambyo muna sa lighter side of life – Kalye Serye na! Hindi tayo tumatakas sa realidad ng buhay dahil sa pagiging fan ng Aldub. Ang phenomenon na ito ay nagsisilbi lamang na pang-neutralize ng ating abalang buhay.
Hindi masama ang maging fan pero dapat balansehin natin ang mga priyoridad ng ating buhay.
Nood na, nang-aano ka eh!
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Have a comment on this article? Send us your feedback