![]() |
Boses ng Winnipeg North:Si Levy, si Kevin, o si Harpreet? |
ni Noel Lapuz
![]() |
![]() |
![]() |
Levy Abad |
Kevin Lamoureux |
Harpreet Turka |
Sa October 19th ay magdedesisyon ang sambayanan ng Canada kung sino ang magiging gobyerno nito. Sa kasalukuyan ay ang Conservative Party sa pamumuno ni Stephen Harper bilang prime minister ng incumbent government. Kung sa Pilipinas ay direkta nating ibinoboto ang presidente at vice president ng ating bansa, dito sa Canada, bilang isang parliamentary form of government, ay bumuboto tayo ng mga federal representatives or members of parliament (MP) kung saan tayo nakatira o yung tinatawag na federal riding. Kung sino ang may pinakamaraming representatives na mananalo ay sila ang uupo bilang gobyerno. Halimbawa, kung majority na mahahalal na MP ay mula sa Green Party, and lider nito na si Elizabeth May ang magiging prime minister at ang Green Party ang uupong gobyerno natin. Mula sa gobyernong ito ay mamimili ang prime minister kung sino ang magiging miyembro ng kaniyang cabinet or yung mga ministers ng iba’t ibang departamentong federal.
Paano ba tayo mamimili ng kandidato? Ano ba ang mga federal issues na puwede nating maging batayan upang makapag-desisyon kung saan ba ang leaning ng ating paniniwala, values or ideology?
Narito ang ilang mga importanteng isyung federal na puwede nating itanong sa ating sarili at ikumpara ang ating sagot sa posisyon ng Conservatives, Liberals, NDP at Green Party. Sa paraang ito ay mabibigyan natin ng direksyon at justification kung bakit natin iboboto ang kandidato na siyang mag-rerepresent sa atin sa parliament. Sila na ang magiging boses natin sa Ottawa.
- Isa sa mga importanteng isyung federal ay ang abortion. Ikaw ba bilang Canadian ay sang-ayon sa abortion? Depende ba ito sa sitwasyon o talagang outright na anti-abortion ka?
- Sa issue tungkol sa euthanasia or mercy killing. Ang mga terminally ill bang Canadians ay dapat bigyan ng choice through their relatives para tapusin ang buhay ng may karamdaman?
- Sa issue naman ng immigration or refugees. Ano ba ang posisyon mo bilang Canadian sa kasalukuyang refugees mula sa Middle East at Africa? Dapat bang tanggapin sila agad-agad bilang tugon sa kagyat nilang pangangailangan bilang human beings o tanggapin sila base sa tamang proseso para protektahan ang seguridad ng bansa?
- Payag ka ba sa legalization sa paggamit ng marijuana para maging isang alternatibong medisina?
- Sa issue naman ng budget, kailangan bang balansehin ang ating budget sa kabila ng recession? O kailangan bang ma-stimulate ang economy kahit na hindi balance ang budget?
- Ano naman ang posisyon mo sa pagbubuwis sa mga taumbayan? Dapat bang dagdagan ang buwis na ibinabayad ng mga mayayaman at mga corporations?
- Sa usapin ng privacy, papayag ka bang palawakin ang kapangyarihan ng kapulisan o ng mga miyembro ng RCMP para matyagan ang mga gawain mo sa Internet? Sa madaling salita, papayag ka ba na halungkatin ng mga pulis ang iyong online information kung nakasalalay dito ang seguridad ng bansa?
- Ano ba ang posisyon mo sa pinakamabisang paraan to prevent crime? Longer prison sentences ba o may iba pang paraan?
- Sa ating relasyon sa mga katutubo, gaano ba ang dapat ituon ng gobyerno para sa ganap na reconciliation sa kanila? Kailangan bang dagdagan ang kontrol ng mga katutubo sa mga ancestral territory?
- Papayag ka ba na buwagin na ang senado?
- Kuntento ka ba sa liderato ng mga Conservative?
- Naniniwala ka ba na hilaw pang maging prime minister ang lider ng Liberal?
- Bilib ka ba sa mga pangako ng NDP para sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa?
- Kilala mo ba si Elizabeth May?
- Boboto ka ba?
- Teka, alam mo bang may botohan sa October 19th?
Ilan lamang ang mga ito sa mga federal issues na puwede nating itanong sa mga kandidatong kakatok sa ating mga pinto. Hindi sapat na kakilala natin ang kandidato kaya natin siya iboboto. Huwag sana nating gawing election by patronage ang halalan sa Canada. Wala na po tayo sa Pilipinas kung saan marami pa rin ang bumoboto dahil pogi, dahil artista, dahil kumpare ni kumpare, dahil magaling sumayaw, dahil natulungan tayo sa pagpasok sa trabaho, etc. Dapat po ang pagboto ay nakabase sa issues, nakabase sa ating paniniwala at kung nagtutugma ba ito sa partido na magbubuo ng gobyerno ng Canada.
Wala akong ine-endorsong kandidato. Ako ay nakatira sa North End. Dito, ang mga kandidato ay sina Levy Abad ng NDP, Kevin Lamoreux ng Liberal at Harpreet Turka ng Conservatives. Ang ipinaglalaban ng mga kandidatong ito ay ang mga isyung federal na pinagkasunduan ng kani-kanilang partido dahil naniniwala sila na ito ang tamang paraan at tamang direksyon.
Hindi personal ang atake ng bawat partido sa bawat isa kung sila may nagde-debate. Ang ipinagde-debatihan nila ay mga importanteng isyu na kinasasalaylayan ng kinabukasan ng bawat Canadian. Hindi ito batuhan ng putik kundi ito ay pagpuna at pag-aanalisa sa mga issues ng lipunan para makabuo ng mas maayos na pamamalakad sa gobyerno.
Ito ang napakagandang diwa ng demokrasya dito sa Canada. Malaya tayong pumili ng kandidato at partido na sa paniniwala natin ay silang magpapatuloy ng kaunlaran ng ating bansa.
Sana, ang desisyon natin sa October 19th ay base sa ating paniniwala. Importante ang bawat boto natin, gawin sana natin itong sagrado. Magsaliksik po at mag-aral tayo ng mga plataporma ng mga partidong Conservative, Liberal, NDP at Green bago tayo bumoto.
Para sa mga residente ng Winnipeg North, mayroon pong nakatakdang election candidates forum sa October 8th ganap na ika-5 ng hapon hanggang ika-8 ng gabi sa Indian & Metis Friendship Centre, 45 Robinson malapit sa Dufferin. Kung may panahon kayo ay dumalo po tayo dito at makinig, magtanong at makipagtalastasan. Libre po ang pagdalo dito at may kape pa para hindi tayo antukin.
Ang boto mo ay hindi para sa kandidatong iyong iboboto kundi ito ay para sa mga Canadians ding tulad mo. Ang boto mo ay para din sa kinabukasan ng mga magiging apo mo at ng mga kamag-anak mong may balak ding pumunta at manirahan dito. Kaya, kung puwede sana ay ayusin mo.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).