![]() |
Entablado ng buhayPagpupugay sa mga kabataan ng St. Peter’s Parish |
ni Noel Lapuz
Nabuhay muli ang diwa ng aking passion at pag-ibig sa performing arts habang nanonood ako ng pagtatanghal ng St. Peter’s Parish sa Pantages Playhouse na pinamagatang: Proclaiming Christ Always. Ito ay pinangunahan ng halos lahat ng mga kabataan sa simbahan para sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng St. Peter’s Parish at bilang isang fund raising initiative para sa pagpapatayo ng mas malaking simbahan para sa komunidad ng Tyndall, Garden Grove, Maples, Seven Oaks, North End at ng iba pang mga karatig na komunidad.
Saludo ako sa performances ng mga choir members, dancers, actors, musicians at ng buong production crew lalu na ang mga creative concepts tulad ng paggamit ng shadow movements, comical skit, choice of musical pieces, mga contemporary na sayaw, stage design, paggamit ng live audience format na kung saan nagmumula ang mga nagtatanghal sa iba’t ibang sulok ng bulwagan at ang pagsasalarawan ng mga komunidad sa pamamagitan ng mga epektibong props na nagpakita ng mga landmarks na nasasakupan ng parokya. Ang resulta, nakita ng mga manonood ang kanila mismong komunidad sa entablado ng tanghalang ito.
Biglang bumalik sa isip ko ang sarap ng nasa entablado. Iba ang pakiramdam. Iba kang nilalang habang ika’y nakatuntong dito dahil bitbit mo ang ibang katauhan. Ang internalisasyon ng isang artist ay isang malalim na konsentrasyon at dala nito ang puso, diwa at ng buong katauhan ng kaniyang ginagampanan.
Sa bawat tinig at musika na nagmumula sa entabalado ay bumalik sa isipan ko ang kalayaan ng sining para yakapin ang sinumang gustong tumuklas nito. Nandiyan lang ang sining, nasa paligid nating lahat, at kailangan lamang na payabungin natin ito.
Sa entablado rin nahubog ang aking ilang mga paniniwala. Dito ko natuklasan ang aking lakas at kahinaan. Dito ako natuto ng pag-oorganisa, pagsusulat ng mga tula at istorya, paglikha ng mga awit at pagtanggap ng mga masasakit ngunit nakakatulong na mga puna ng mga istriktong kritiko.
Noong kapanahunan ko sa teatro ay may mga pagtatanghal kaming matagumpay at umaani ng palakpak at papuri. Ngunit mayroon din namang mga pagtatanghal na halos layasan kami ng mga manonood.
Hindi puro kasiyahan ang buhay teatro. Maraming oras ang ginugugol dito. At sa bawat pagsasanay ay hindi puwede ang puwede na. Walang cut sa entablado (di tulad sa film o mga pelikula) kaya’t nakasalalay sa mga nagtatanghal ang kanilang uwido o diskarte para tiyaking dumadaloy ang istorya sa kabila ng mga pagkakamali o aberya sa pagtatanghal. Parang buhay lang natin, it goes on and on sa kabila ng mga lubak at barikada.
Tulad ng buhay, ang entablado ay nagpapakita ng triumphs and failures o ng tagumpay at kabiguan. Ito ay sumasalamin sa tunay na buhay. Hango naman lahat sa totoong buhay ang mga awit, tula at pagtatanghal. Ang buhay ng bawat isa sa atin ang walang katapusang inspirasyon ng mga dakilang manunulat, ng mga mang-aawit at ng lahat ng mga alagad ng sining. Kung wala na ang buhay, wala na rin ang entablado.
Hindi man ako marahil naiintindihan ng mga kabataang nag-organisa ng pagtatanghal ng St. Peter’s Parish dahil sa aking paggamit ng wikang Filipino ay natitiyak kong dama nila ang paghanga ng mga manonood dahil sa kanilang malikhaing kaisipan, sa kanilang talento at higit sa lahat ang kanilang pagbabahagi ng kanilang angking galing para makatulong sa pamayanan at papurihan ang Dakilang Lumikha. Ang inyong pagtatanghal ay tinuturing kong napakagandang pamaskong regalo para sa lahat na nakasaksi nito. Sa mga kabataan, ipagpatuloy ninyo sana ang pagtuklas at paghubog sa inyong mga talento at ipakita at itampok ninyo ito sa entablado ng ating mga buhay.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).