![]() |
May buhay at kaluluwa sa loob ng bawat kahon |
ni Noel Lapuz
Mabuti na lamang at kasama ko si Bro. Francis nang bumili ako ng PS3 na ipadadala ko kay Freedom. Bumuhos ang napakalakas na ulan sa Sharjah, UAE habang nasa loob kami ng mall. Ilang sandali na lamang at magsasarado na ang mall at wala kaming choice kundi ang suungin ang malakas na ulan. Pahirapan sa pagsakay ng taxi. Bihirang umulan sa Sharjah pero kapag umulan naman ay akala mo wala ng katapusan. Mabilis ding magbaha ang mga kalye. Madilim ang paligid at patuloy ang buhos ng ulan habang nakabalot ng plastic at ng aking jacket ang kahon ng PS3 para sa aking anak. Ang tagal naming naghintay hanggang sa may isang truck driver na nag-volunteer para maghatid ng mga na-istranded na pasahero. Para kaming basang sisiw ni Bro. Francis nang umuwi kami sa flat. Pero sa kabila nito ay nakuha pa naming tumawa sa sitwasyon. Ang mga OFW nga naman, gagawin ang lahat, susuungin ang bagyo mabili lamang ang para sa kanilang pamilya. Hindi lang materyal na bagay ang ipinapadala ng mga OFW dahil kaakibat nito ang pagmamahal at sakripisyo para itaguyod at mapasaya ang pamilya.
Ito ang hindi naiintindihan ng mga buwaya sa Bureau of Customs at ng gobyernong Aquino. Inuulit ko, hindi lang material na bagay ang laman ng bawat kahon na ipinapadala naming mga OFW. Ito ay simbolo ng aming ugnayan sa aming pamilya. Sa pamamagitan ng mga kahong ito ay tila nagiging isa kami ng aming pamilya dahil sa pagbabahagi namin ng mga gamit, damit, laruan at mga pagkain na nagmula pa sa aming tinitirahan na napakalayo sa aming tahanan. Ito ay isang sagradong koneksyon ng bawat pamilya. Ang bawat isang kahon na ipinapadala ng mga OFW ay may kani-kaniyang kuwento. May kani-kaniyang kasaysayan ang bawat kahon. Ang kahon ay ako rin.
Bakit nga ba napag-initan ng mga buwaya sa Bureau of Customs ang mga balikbayan boxes gayong sa aking palagay, halos lahat naman ng nagpapadala ng mga kahon sa Pilipinas ay para talaga sa kanilang mga pamilya at napakaliit siguro ng porsyento para gamitin ito sa mga sindikato? Totoong may mangilan-ngilan ang umaabuso sa pagpapadala ng kagamitan tulad ng refrigerator at ng mga kinatay na parte ng motorsiklo. Ngunit hindi ito dahilan para lahatin na at bulatlatin ang halos lahat ng mga kahon. Isa pa, hindi ba maaaring dumaan na lamang sa X-ray ang mga kahon para hindi na ito bulatlatin? Maraming palusot ang mga buwaya ng Customs pero ang bottom line nito ay malinaw na para makarami sila ng nananakawin mula sa mga pobreng OFW. Huwag nang magmalinis ang mga buwaya ng Customs. Totoo namang ang ahensyang ito ay punong-puno ng mga magnanakaw.
Hindi agad napupuno ang kahon nang biglaan lalo’t maliit lang ang kita ng isang OFW. Pero isa itong inspirasyon dahil lagi itong nakatanghod na parang alagang aso sa tabi ng kama ng OFW. Halos kasiping niya ang kahon at pinipilit niyang sa araw-araw ay makapag-hulog siya dito ng kahit anong bagay. Ang isang maliit na delata ng Spam ay pandagdag na rin sa napakalalim na kahon na inaabot ng maraming buwan para mapuno. Kadalasan ay nagtitipid ang pobreng OFW para makapaglaan ng pera para pambili ng panlagay sa kahon. Ayos na ang kubus at laban para sa tanghalian at pamatid gutom basta’t mabibili naman niya ang Galaxy chocolate para kay Junior.
Walang puso at kaluluwa. Maaatim mo ba na palamunin mo ang iyong pamilya ng nakuha mo sa pagnanakaw? Maaatim ba ng iyong konsensya na dugasan mo at lantakan mo ang hindi naman sa iyo. Tao ka bang maituturing kung kukuhanin mo ang hindi naman sa ’yo? Anong klase kayong mga tao – kayong mga buwaya sa Customs? Kung sabagay nasanay na kayo sa kalakaran diyan sa ahensya ninyo kaya’t wala na kayong nararamdamang awa. Wala na kayong nararamdamang hiya. Ang kakapal ng mukha n’yo!
Kukulangin na ng panahon para makaabot ng Pasko ang kahon na pilit na pinupuno ng kawawang OFW. Wala na siyang ibang alam para mapuno ito – ang mangutang. Makiki-usap siya sa may-ari ng bakala (grocery store) na kung maaari ay makautang muna ng mga delata para mapuno na niya at maipadala na ang kahon. Mabilis namang papayag ang Pakistanong may-ari ng bakala dahil maganda naman ang record niya sa pangungutang. “Mafi mushkila” [No problem] ang itutugon ni Pakistano kay OFW. Sa wakas napuno din ang kahon. Ite-text niya ang kaniyang Misis. Ipagmamalaki na ready na ang kahon at sakto lang itong darating bago sumapit ang Pasko. Hindi niya sasabihin kay Misis na utang ang ilang laman sa kahon. “Okay lang yan,” sabi ni OFW. Ang mahalaga, mapapasaya ko ang aking pamilya lalo na sa araw ng Pasko.
Pero ano ang gagawin ng mga buwaya? Wala silang kaalam-alam at pakialam kung gaano kahirap ang dinanas ng mga OFW para mapuno ang mga kahon. Literal nilang ginagahasa at ina-araro ang mga kahon. Silang mga manyak ng kasakiman.
May kasamang puso at kaluluwa ang bawa’t kahon na bumabiyahe pa mula sa iba’t ibang dako ng mundo patungo sa Pilipinas. Hindi man nakakauwi si Tatay at Nanay taun-taon ay pinipilit nilang ibalot ang kanilang mga yakap at halik sa loob ng mga kahong ito para sa pagbukas ng kanilang mga anak ay madarama nila ang nananabik na pagmamahal ng kanilang mga magulang. Kahit sa kahon lamang ay makauwi ang malungkot na kaluluwa ng mga OFW para balikan ang kanilang iniwang tahanan. Kahit sa kahon lang ay maamoy ng kanilang mga mahal sa buhay ang amoy ng disyerto at madama ang lamig ng snow. Ito ang hindi nila naiintindihan.
Galit ang nadarama ko hanggang ngayon dahil sa patuloy na pagwawalang bahala ng dilawang gobyerno sa mga OFW. Bagama’t kunwari ay pinapigil na diumano ng palasyo ang random na pambababoy ng mga kahon ay wala pa rin akong katiwa-tiwala sa hilatya ng pagmumukha at ng polisiya ng gobyerno para sa mga OFW.
Narito ang isang tulang sinulat ni MJ Rafal na inilathala sa Facebook page ng KM64 Writer’s Collective:
Laman-loob
Nariyan, sa ibabang sulok ang aking baga.
Ang atay at apdo, sa gitna at pagitan
Ng bituka at bato. Sa ibabaw ng mga iyan
Selyado at nakabalabal ang aking puso.
Espesyal na ibinalot sa kalinga ng lambot
Pagkat malikot walang tatag ang karga
Ng mga naatasang magtutulay ng ako.
Sa iyo. Kung uuwi akong gutay-gutay.
At hindi na natukoy ang aking pusod.
At puson sa dahas ng malibog na nasa.
Ng hindi makaunawa sa aking nilalaman.
Loobin mo sanang tanggapin pa rin.
Ang aking wakwak at sariling pangako.
Hindi ako makakauwi sa ngayon, kaya’t naririyan
Ang laman ng aking loob: kuwadradong daigdig.
Huwag hayaang ataduhin ang aking pag-ibig.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).