![]() |
Bus notes |
Ni Noel Lapuz
Kung passion ng isang tao ang sumulat ay walang dahilan para hindi siya makapagsulat regardless kung may computer or wala, may lapis o papel or wala, may table or wala, or wala na ang lahat except for the writer’s wild imagination. Isa pa, may oras pa bang natitira kung sobrang abala ang manunulat sa mga bagay na dapat niyang gawin dahil sa pangangailangan. Walang dahilan kung gusto nating gawin ang kahit anumang bagay. Maging ito ay pagsusulat, pagluluto, paglalaro, pagsasalita, pakikisalamuha, pagsasayaw, pag-eehersisyo o kahit anumang gusto n’yo, kaya ’yang gawin basta desidido.
Proud akong maging patuloy na bahagi ng Pilipino Express simula pa noong 2009. Ito ang ipinagmamalaki kong kontribusyon sa komunidad ng Pilipino sa Manitoba at sa iba pang dako ng mundo (dahil online din kami). Ito ang malayang pagpapahayag ng aking obserbasyon, puna at mga panukala sa iba’t ibang paksa. Bahagi na ito ng aking regular na routine bukod sa aking pagiging full-time father, husband at tipikal na Pilipinong may full-time job at part-time job. Kaya kahit nasaan man ako ay isinisingit ko ang pagsusulat dahil bahagi ito ng buhay ko. Narito ang dalawang bus notes na aking isinulat sa loob ng bus noong nakaraang buwan. Una itong inilathala sa aking Facebook page pero nais kong ibahagi sa lahat ng ating mga tagasubaybay.
Win a friend in two minutes
It only takes two minutes to win friendship. Kaya palang magkaroon ng kaibigan in just roughly two minutes.
Isang babaeng may katutubong features ang nakasabay ko sa abangan ng bus papuntang downtown. Nagtanong siya sa akin kung anong oras ang dating ng bus dahil hindi raw siya taga rito sa Winnipeg. Naligaw nga raw siya sa paghahanap ng bus stop at buti na lang at nakita niya akong naglalakad patungo dito kaya sinundan niya na lang ako. “Good thing that I saw you walking here otherwise I am lost again,” sabi niya.
Taga Teulon, MB siya, isang maliit na lugar sa labas ng Winnipeg. Doon nagsimula ang kuwentuhang maikli pero masaya. Nabanggit ko sa kaniya na next week ay pupunta ako ng Morden, Portage La Prairie, Brandon, Dauphin at Neepawa para sa series na mga meetings. Sabi ko, hindi ko nga alam ang itsura ng mga lugar na ito. Sabi niya naman, tahimik ang mga lugar na pupuntahan ko at friendly ang mga tao. Ang Portage La Prairie lang ang medyo siyudad ang dating. “Oh, actually I’ve been to Portage for fishing, by the dam,” sabi ko naman.
Nauwi sa fishing ang maikling kuwentuhan. Nasabi ko kasi na marami ang net ang ginagamit imbis na fishing rod ang mga nakita kong nagfi-fishing sa Portage dam. Naglulundagan ang mga isda at nakataya sa iyong skills ang paghuli sa kanila sa pamamagitan ng net. “It’s really fun to fish especially when you’re using a net,” sabi niya.
Natatanaw na namin ang paparating na bus. Nahinto na ang aming kuwentuhan dahil sa medyo puno ang bus at wala kaming puwesto para magkatabi. Nagtapos ang maikli naming kuwentuhan sa pagsasambit ng “have a good day” sa isa’t isa.
Have a good day. It’s always nice to say and hear it everyday.
We never exchanged our names but we shared great early morning Manitoba friendliness.
Random thoughts
Dahil sa kakulangan ko ng oras para upuan ang aking passion sa pagsusulat ay nakagawian kong mag-isip at magsulat habang nasa bus.
Ang unang-una kong “Batang North End” article na sinulat ko sa loob ng bus ay ang tungkol kay Mary Jane Veloso. Sinundan ito ng pagtalakay ko tungkol sa aktibismo sa bagong mundo.
Habang isinusulat ko ito ay kasabay ko na lulan ng bus ang mga usual passengers ng Bus 16. Mga manggagagawa na tila patang pata sa buong araw na kayod. Ang nasa harap kong Pinay ay halos matulog na sa kaniyang pagkakasandal. Walang kibuan ang isa’t isa maliban sa ilang kuwentuhan ng mga kabataang katutubo.
Ang driver ay isang East Indian. Pamilyar na ko sa kaniya dahil parokyano ako ng pang pasado alas-diyes na biyahe ng Bus 16 via Manitoba.
Saglit na naudlot ang aking pagsusulat dahil sa pinalipat kami ng bus. May trouble yata ang una naming nasakyan.
Ngayong gabing ito ng Lunes ay parang iba ang nararamdaman ko sa bus. Parang lahat ng pasahero ay pagod. Tahimik. Walang kibuan. Walang lasing na maingay. Walang nag-aaway.
Tanging ingay lang ng makina ng bus ang nagmomonopolya sa ingay. Nakakapanibago.
Napapagod din pala ang bus. Parang may buhay.
Bababa na ko. King Edward na.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).