Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

You may now kiss your partner

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

You may now kiss your partner

Ni Noel Lapuz

“No longer may this liberty be denied,” Justice Anthony M. Kennedy wrote for the majority in the historic decision. “No union is more profound than marriage, for it embodies the highest ideals of love, fidelity, devotion, sacrifice and family. In forming a marital union, two people become something greater than once they were.”

Ito ang makasaysayang pahayag ni Justice Kennedy ng Supreme Court ng bansang Amerika noong Hunyo 26, 2015, ang araw ng kalayaan ng 50 estado ng Amerika para sa same sex marriage. Nagdiwang hindi lamang ang mga Kano kundi ang napakaraming grupo at indibidwal sa buong mundo dahil sa isa na namang hakbang para sa pagtataguyod at pagbuo ng malayang mundo. Ang pagbabago at unti-unting pagbubukas ng kaisipan ng tao ay nagpapatuloy. Bagama’t hindi ito ipinipilit na yakapin na lamang agad ng mga konserbatibong pananaw ng marami pa ring bansa at sektor ay nagbubukas naman ito ng pagkakataon upang pantay nating tanggapin ang tao bilang tao – regardless ng kanilang sexual orientation.

Sa iba kong anggulo tinitingnan ang pagdiriwang na ito. Hindi naka-focus ang aking atensyon sa same sex marriage lamang kundi sa mas malawak na pang-unawa dito at kaakibat nitong responsabilidad at accountability. Sana, hindi maging “uso” lamang ang pananaw ng karamihan sa isyu ng karapatan ng LGBT community. Hindi dahil sa lahat sila’y bumabandera ng mga pride flags ay makikisayaw na rin ang karamihan sa indak nito bagama’t hindi sapat ang kanilang pang-unawa. Tandaan natin na daang taon ang hinintay ng bansang Kano bago maisabatas ang pagkilala sa same sex marriage. Ibig sabihin, hindi hilaw ang desisyon at hindi hinog sa pilit. Natitiyak ko na maraming isina-alang-alang dito ang Supreme Court bago sila makapag-desisyon. At sigurado, tinanong nila ang kanilang sarili kung handa na ba talaga ang mga Kano para dito.

At dahil sa numero unong gaya-gaya ang maraming Pinoy sa kulturang Kano ay bumaha ang usapan sa social media kung handa na ba raw ang Pilipinas para sa same sex marriage? Valid ang tanong na ito. Kaya lang, sa palagay ko, hindi dapat nagmamadali. Napakarami pang mga pagbabago at pagmumulat ang dapat matutunan ng mga Pilipino bago mo isubo ang ganitong uri ng batas. Sa usaping divorce pa nga lang ay hindi na makausad ang mahuhusay na legislators ng bansang Pinas, e, bakit pa kakargahan sila ng mas mabigat na isyu. Una dapat pag-aralan ng maraming Pilipino ang pagrespeto sa kasarian ng bawat tao. Hanggang ngayon kasi ay pansin pa rin ang diskriminasyon ng maraming Pinoy sa LGBT community. Hanggang ngayon maraming tao ang ginagawa silang katatawanan. Ibig sabihin, hindi pa mulat ang bansang ito mismo sa pag-exist ng ganitong kasarian bilang normal na gender.

Pabor ako sa malayang pagbabago ng lipunan. Itinataguyod ko ang karapatan ng bawat tao. Pero dapat ang lahat ay may tamang pag-aaral base sa kahandaan ng mga tao. Hindi biro ang ginawang desisyong ito ng Supreme Court ng Amerika. Hindi overnight decision ang ginawa nila. Hindi rush ang pagsasabatas ng same sex marriage. At inuulit ko, may komprehensibong paghahanda silang ginawa para sa maayos na pagtanggap nito ng sambayanang Kano.

At para linawin ang pagtataguyod natin ng pride community ay gusto ko lang i-emphasize na hindi isang pagbigla-biglang desisyon ang pagsasabi ng isang tao kung siya’y gay o bisexual. Marami pa ring factors na dapat ikonsidera at dapat ay mulat ang indibidwal sa kaniyang desisyon para maglahad ng kaniyang nararamdaman sa aspeto ng kaniyang gender. Mahirap kasing maging dahilan ang pagiging gay sa ibang isyung nararamdaman ng isang indibidwal. Maaari kasing disoriented, emotionally challenged o nalilito lamang ang tao na akala niya lamang agad ay hindi siya straight. Mas mabuti pa rin ang malalim na pag-aaral scientifically, collectively at personally ng mga tao bago sila magdesisyon ng kanilang gender choice. Sila rin naman ang masisiyahan kapag napatunayan nila sa sarili na hindi mali ang kanilang desisyon na ilahad ang kanilang tunay na pagkatao. Ito ang tunay na kalayaan, ang walang pandaraya sa sariling nararamdaman.

Responsabilidad at accountability. Lahat ng tao ay dapat responsible sa kanilang choice. Para makabuo tayo ng isang progresibo at pamayanang may respeto sa isa’t isa ay dapat maramdaman natin ang pagiging “tao” ng bawat indibidwal. Kapag pinili mo ang isang bagay ay dapat pangatawanan mo ito, mahalin ang iyong desisyon at patunayan mo sa iyong sarili na: “ito nga talaga ako” nang walang bahid na pagkukunwari.

Kapag nakilala ng isang tao kung ano at sino talaga siya ay malaya na rin siyang makapagpapahayag ng pag-ibig. Bagama’t choice pa rin ang pagiging may partner o pagiging single habang buhay, ang mahalaga ay kilala ng tao kung sino nga ba siya at kung ano siya. At ang maganda pa rito ay kung tanggap siya bilang siya ng estado, ng pamayanan at ng mga tao na nakakasalamuha niya. Ito ang kalayaan ng kasarian at kalayaan ng pag-ibig sa sarili mong pagkatao.

At kapag nagmahal tayo sa ating kapuwa at pumili ng ating life partner, sana tanggapin natin sila bilang sila, at yakapin sila kasama ang kanilang mundo. Gusto kong ibahagi ang kanta ni Ka Gary Granada para sa lahat ng mga mag-asawa, mag-partner sa buhay, mga nag-iisa sa buhay ngunit masayang minamahal ang sarili at sa pagdiriwang ng mundo ng kalayaang magmahal at magpakasal sa ating minamahal anuman ang ating pagkatao.

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y minamahal
Sana’y maunawaan mo na ako’y isang mortal
At di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan
O di kaya ay sisirin perlas ng karagatan

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y iniibig
Sana’y maunawaan mo na ako’y taga-daigdig
Kagaya ng karamihan, karaniwang karanasan
Daladala kahit saan, pang-araw-araw na pasan

Ako’y hindi romantiko, sa iyo’y di ko matitiyak
Na pag ako’y kapiling mo kailanma’y di ka iiyak
Ang magandang hinaharap sikapin nating maabot
Ngunit kung di pa maganap, sana’y huwag mong ikalungkot

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y sinisinta
Sana’y yakapin mo akong bukas ang iyong mga mata
Ang kayamanan kong dala ay pandama’t kamalayan
Na natutunan sa iba na nabighani sa bayan

Halina’t ating pandayin isang malayang daigdig
Upang doon payabungin isang malayang pag-ibig
Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y sinusuyo
Sana’y ibigin mo ako, kasama ang aking mundo

Let us celebrate love! You may now kiss your partner.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Trending Articles