Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Ang aktibismo sa bagong mundo ni Ka Leoncio

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

Ang aktibismo sa bagong mundo
ni Ka Leoncio

Ni Noel Lapuz

Habang sumusumpa bilang bagong Canadian si Ka Leoncio ay nagtatalo ang kaniyang nararamdam. Masaya siya dahil sa pagyakap niya sa bagong bansa na umampon sa kaniya at ngayon ay itinuturing na siyang lehitimong anak. Malungkot siya dahil sa iniwan niyang bansa na minsan ay muntik na niyang pagbuwisan ng buhay bilang isang student activist. Kung maganda lamang sana ang pamamalakad at may sapat na oportunidad sa Pilipinas ay sino ba na naman ang aalis pa dito. May halong guilt at panghihinayang sa kaniyang puso dahil dati siyang nangunguna sa parliamento ng lansangan para ipaglaban ang karapatan ng mga kabataan, ng mga mahihirap at mga inaabuso ng pasistang gobyerno. Pero nilisan niya ito para sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Nagtanong ang mga kasama, “bakit mo iniwan ang samahan Ka Leoncio?”

Patuloy pa rin ang pakikibaka ng mga kasama sa organisadong samahan sa Pilipinas. Habang si Ka Leoncio ay nanonood na lamang ng balita at talakayan sa telebisyon at nakikisawsaw sa social media tungkol sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. Mayroon din namang mga nawala na. Ang iba’y tila nilamon na ng sistema at nabahiran na ng markang dilaw ng nakaupong gobyerno. Unti-unti na nga bang humihina ang puwersa ng maka-kaliwang samahan ng political spectrum sa Pilipinas? Nagsawa na nga ba ang mga simpleng mamamayan na makipaglaban dahil sa failure ng mga huwad na rebolusyon sa nagdaang tatlumpung taon?

Ang pakikibaka ng isang tunay na rebolusyunaryo ay hindi natatapos kapag nilisan niya ang isang bansa. Kung nasa dugo at puso ang pagmamahal sa tao ay magpapatuloy ang aktibismo, malayo man sa lupang tinubuan. Ang totoo, hindi lang nasa Pilipinas ang laban para sa kapakanan ng taumbayan kundi ito’y laban ng mundo para itaguyod ang mas makataong gobyerno sa lahat ng bansa.

Sa seremonya ng kaniyang pagiging Canadian citizen ay ibinulong ni Ka Leoncio sa kaniyang sarili ang pangako niyang patuloy na isusulong ang mga adhikain ng mga uring manggagawa, kabataan, katutubo, magbubukid at mga simpleng mamamayan. Hindi lamang sa Pilipinas itutuloy ang laban kundi sa buong mundo bilang isang global citizen na nagsusulong ng pagbabago.

Tumakas nga ba siya sa masalimuot na kalagayan ng Pilipinas? Maaaring, oo. Ngunit sa pisikal niyang pagtakas mula sa Pilipinas ay nagbukas naman ito ng bagong hamon at oportunidad para sa mas malawak na pagkilos.

Tulad ng Pilipinas ang bansang Canada ay ipinagtanggol din ng maraming samahan at indibidwal para makamit ang kalayaan. Ngunit patuloy ang pakikibaka para sa kaganapan ng kalayaan at equity. Nandiyan pa rin ang pakikipaglaban para sa tunay na karapatan ng mga katutubo, ang karapatan ng LGBT community, ang karapatan ng alternatibong paggamit ng mga halamang dati’y bawal at ang pagbabantay para huwag malinlang at sa halip ay tutulan ang anumang panukalang batas na lalabag sa kalayaan at privacy ng bawat indibidwal.

Ang diwa ng aktibismo magpapatuloy sa iba’t ibang anyo. Ang diwang ito ang magsisilbing tagapagbantay ng sangkatauhan upang hindi umabuso ang sinumang nakaupong gobyerno. Ang aktibismo ay hindi para sa partidong pulitikal kundi ito ay laging para sa tao at sa kinabukasan ng mundo.

Habang nanunumpa si Ka Leoncio bilang bagong Canadian ay mataimtim siyang nag-isip at sabay inusal sa sarili ang bagong panunumpa niya bilang anak ng bayan na patuloy na isusulong ang aktibismo para sa pagbabago ng mundo.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Trending Articles