Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Para kay Mary Jane Veloso

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

Para kay Mary Jane Veloso,
para sa Inang Bayan

Ni Noel Lapuz

Milagro kong maituturing ang hindi pagpapatuloy ng nakaabang na execution ni Mary Jane Veloso nitong Martes, Abril 28. Hindi man ako relihiyosong tao ay naniniwala pa rin ako na nakatulong ang sama-samang dasal ng maraming tao para iligtas ang buhay ni Mary Jane. Malaki ang naging bahagi ng mga activists partikular ang grupo ng Migrante, Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at ng marami pang taga-suporta sa iba’t ibang bansa para ma-pressure ang Indonesian government at igiit ang panig ni Mary Jane bilang isang biktima at inosente sa kasong ipinataw sa kaniya. Nakatutok ako sa social media network at saksi ako sa kung gaano naging ka-epektibo ang global na pagkilos na ito.

Biktima si Mary Jane ng pagkakataon at ng kahirapan. Naloko siya ng illegal recruiter sa Pilipinas na nangakong may trabahong naghihintay sa Malaysia pero wala pala. Binigyan siya ng maleta at sinabing pumunta sa Indonesia. Wala siyang kaalam-alam na may bitbit pala siyang iligal na droga. Nahuli siya at ikinulong. Nagkaroon ng paglilitis sa kaniyang kaso sa wikang Bahasa Indonesia. Wala siyang abugado kundi ang mismong naghabla sa kaniya.

Dati na rin siyang domestic helper sa Dubai na tinangkang gahasain ng amo. Anak siya ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Tulad ng maraming Pilipino, mahirap ang buhay ni Mary Jane at ito ang dahilan kung bakit siya nag-abroad. Isa lang ang dahilan – para iahon sa karukhaan ng pamilya.

Dama ko ang hinagpis na nadama ni Mary Jane at ng kaniyang pamilya. Magkahalong lungkot at galit ang aking naramdaman. Lungkot, dahil sa hindi matapos-tapos na exploitation ng mga mahihirap, kawalang maayos na hanapbuhay sa Pilipinas, kawalang katarungan kapag mahirap ka at ang pagkakahiwalay ng pamilya para makipagsapalaran ang mga magulang sa ibang bansa. Tulad ni Mary Jane, iniwan ko rin ang aking pamilya para maghanapbuhay sa abroad.

Galit, dahil sa sistemang bulok at pamamayagpag ng mga lider ng bansang Pilipinas na walang ibang interes kundi ang palawakin ang kanilang control sa mga mamamayan at palaguin ang kanilang kayamanan habang milyong-milyong Pilipino ang naghihirap.

Tuwing makikita ko ang pagmumukha ng mga pulpol na pulitiko sa Pilipinas ay nag-iinit ang ulo ko dahil sa mga grandstanding, pagsisinungaling, pagtatakip at tahasang panggagago sa mga pobreng mamamayan.

Kailan ba matitigil ang pag-export ng lakas manggagawa ng Pilipinas? Kailan matitigil ang pangarap ng maraming Pilipino na pag-aabroad lang ang paraan para umasenso ang buhay? Kailan magiging maganda ang ekonomiya ng Pilipinas para wala nang aalis at iiwan ang mga pamilya? Kailan titino ang sistemang corruption sa lahat ng sangay ng gobyerno?

Si Mary Jane ay kumakatawan sa lahat ng mga OFWs na nakikipagsapalaran para maitaguyod ang pamilya. Isang payak na Nanay na tanging inisip lamang ay mapabuti ang kinabukasan ng mga anak.

Marami pang kaso ng exploitation at pang-aabuso ang nararanasan ng ating mga kababayan na hindi dokumentado. Hindi alam ng gobyerno habang alam na ng maraming Pilipino. Ganito sila kung magbulag-bulagan. Hindi nila alam, ayaw nilang malaman at wala silang pakialam. Saksi ako sa mga hindi magandang karanasan ng ating mga kababayan noong ako ay nasa Middle East. Marami ang umaasa lang sa tulong ng kapuwa Pilipino para mabuhay at para tumakas sa mga panganib sa kanilang buhay.

Bayani kung ituring ang mga OFW. Mga bayaning ginagatasan ng gobyerno ng buwis kapalit ay bulok at walang serbisyo. At ang pinakamasakit, pababayaan ka na lang ng gobyerno kahit buhay mo ay nasa bingit ng kamatayan. At kapag naman gumawa sila ng aksyon, ay magpapa-feeling pogi sila para sa kanilang political interest.

Bagama’t naniniwala ako sa Diyos ay huwag sana laging milagro na lamang ang pag-asa ng mga Pilipino. Sana maayos at ituwid ang huwad at sinungaling na daan. Isa pa, huwag sanang ang biktima pa ang sisihin ng gobyerno. Mayroon kasing statement sa palasyo na hindi raw nagbigay ng sapat ng impormasyon ang pamilya ni Mary Jane kaya’t hindi sila natulungan. For the record, 2010 pa ang kaso at mula noon ay walang ginawang aksiyon ang gobyernong Aquino. Ang mga tumutulong kay Mary Jane ay ang grupo nina Atty. Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers at ang Migrante International.

Hindi pa tapos ang laban dahil ito ay temporary reprieve lamang. Patuloy nating ipaglaban ang buhay ng tao, ang buhay ng mga simpleng obrero, ang buhay ng isang Ina, ang buhay ng marami pang bayani ng ating Inang Bayan.

Ituloy ang pakikibaka para wakasan ang labour exploitation!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Trending Articles