![]() |
Buwan ng pakikibaka ng uring manggagawa |
By Noel Lapuz
Mayo Uno na. Tiyak na may malawakang rally na naman sa Pilipinas sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), isang independiyenteng labour centre sa Pilipinas na nag po-promote ng militante at anti-imperialismong trade unionism. Ang kilusang ito ay nagsisilbing watchdog ng gobyerno sa mga usapin na nauugnay sa mga uring manggagawa. Ipinaglalaban ng KMU at ng iba pang hindi maka-dilaw na kilusan ang kapakanan ng mga manggagawa tulad ng sapat na sahod, maayos na proteksyon ng mga manggaggawa, welfare at seguridad sa trabaho. Hindi natatapos ang ipinaglalaban ng KMU hangga’t may katiwalian sa gobyerno at may pagsasamantalang nagaganap sa mga manggagawa. Ang pakikibaka ay nagpapatuloy hangga’t marami pang mga manggagawang hanggang sa ngayon ay hindi nakakaranas ng makatarungang sahod, makataong pagtrato at pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
May 1, 1980 nang pormal na mabuo ang KMU matapos ang pagkakabuwag ng Congress of Labor Organizations noong 1952. Mula noon, naging matibay ang kulisan sa mithiing ituloy ang sinimulan ng mga rebolusyunaryong samahan tulad ng Union Impresores y Litografos de Filipinas noong 1892; 1896 Nationalist Revolution of the Katipunan; hanggang sa Congress of Labor Organizations (CLO) noong 1950s. Bagama’t may mga challenges at paghihiwalay ng landas ng ilang faction sa kilusan (bunga na rin ng pagkakaiba sa interpretasyon at estratehiya ng rebolusyon), nananatiling kulay pula ang watawat ng KMU na sumisimbulo sa nag-aalab na pakikibaka para sa mga uring manggaggawa.
Hindi ko alam kung nagkataon lamang ngunit ang Mayo Uno ay isang ring makasaysayang araw sa mga manggagawa ng Winnipeg.
Noong May 1, 1919, makalipas ang maraming buwan na labour negotiations ay nag-strike ang mga manggagawa ng Winnipeg. Noong sumunod na araw ay nag-strike ang mga metal workers ng Winnipeg nang ang kanilang mga employers sa metalwork factories ay hindi pumayag na makipag-negosasyon sa kanilang union.
Ang Winnipeg Trades and Labour Council (WTLC), ang umbrella organization for local labour ay tumawag ng general strike para suportahan ang ipinaglalaban ng mga manggagawa para sa sapat na sahod at maayos na kalagayan sa workforce. Humigit-kumulang sa 30,000 workers kasama na ang mga union members at ordinaryong mga manggagawa (non-unionized) ang sumama sa general strike na ito. Naging maayos at payapa ang strike ngunit naging agresibo ang reaksyon ng mga employers, city council at federal government. Dahil dito, ang general strike ay nagtapos sa “Bloody Saturday” noong June 21, 1919 nang umatake ang Royal North-West Mounted Police sa assembly at pinatay ang dalawang strikers, nasugatan at inaresto ang karamihan. Isang marahas na kasaysayan ito sa Winnipeg noong nanaig ang pagsupil sa karaparatan ng mga manggagawa.
Subalit hindi nagtapos ang pakikibaka ng unionismo. Makalipas ang dalawampung taon, kinilala ng gobyerno ng Canada ang collective bargaining sa pagitan ng mga employers at union.
Ito ang dahilan kung bakit tayo ngayon na mga union members ay tinatamasa ang karapatan bilang mga unionista. Umuupo tayo sa bargaining table upang ipaglaban ang ating karapatan bilang mga manggagawa. Nandito ang union para protektahan ang ating seguridad at kalagayan.
Utang natin ang lahat ng ito sa mga nagsimula ng rebolusyon para bumuo ng isang malawakang strike o General Strike of 1919 sa Winnipeg, maraming taon na ang nakalilipas.
Ang KMU at ang mga nanguna ng General Strike of 1919 sa Winnipeg ay pareho ang ipinaglaban at patuloy na ipinaglalaban. Nananatiling buhay ang spirit of unionism sa maraming workforce dito sa Winnipeg, sa Pilipinas at sa buong mundo.
Sa modernong panahon ngayon, may mga nag-uusbungang isyu na dapat na pagtuunan ng pansin ng mga manggagawa. Isa na rito ang automation ng mga proseso at sistema. Marapat sigurong bigyang tuon ng union ang pag-demand sa mga employers na gawing kolektibo ang mga panukala at polisiya na makaka-apekto sa estado at bilang ng mga manggagawa. Oo nga’t laging batayan ang attrition policy or vacancy management para hindi masabing sinibak sa puwesto ang isang manggagawa, pero paano naman ang mga susunod na henerasyon na sasabak sa workforce? May mga puwesto pa ba silang pupunuan? Tulad na lamang ng kalagayan ng mga kartero. Ang pagkalugi ba ng Canada Post ay dahilan para ang pagiging kartero ay maging isang “extinct” na trabaho na lamang sa hinaharap?
Hindi anti-modernismo ang unionismo, pero sa palagay ko, kailangang balansehin ng gobyerno at ng mga pribadong sektor ang pagyakap sa modernismo na hindi nako-compromise ang hinaharap ng mga future workers.
Kung automated na lahat, ano pa ang magiging silbi ng skills ng mga manggagawa?
Tayong mga manggagawa mapamiyembro man tayo ng union o hindi ay may magagawa para sa kapakanan natin mismo. Hindi masama ang magtanong kung sa palagay ninyo ay ginugulangan na kayo ng inyong employers. Hindi masamang magtanong kung bakit ganito lang ang sinuweldo mo? Hindi masamang magtanong kung bakit hindi kayo binibigyan ng umento gayung sa palagay ninyo ay deserving naman kayo. Lahat ng inyong tanong kaugnay ng inyong kalagayan sa trabaho ay mahalaga. Walang maliit na isyu sa workforce.
Ang karapatan ng manggagawa ay dapat kinikilala ng mga employers. Huwag tayong matakot na ipaglaban ang ating karapatan dahil napatunayan na ng mga nauna sa atin na may bunga ang pakikibaka. May liwanag matapos ang rebolusyon.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).