![]() |
It’s more fun in Winnipeg? |
Paano ko ba namang ipagmamalaki ang Winnipeg at buong Manitoba kung binansagan na naman itong crime capital ng Canada? Kamakailan ay naglabas ng ulat ang Statistics Canada tungkol sa resulta ng kanilang nationwide survey tungkol sa crime situation ng buong Canada. Ayon sa report, lumalabas na ang Manitoba ang may pinakamataas na homicide rate in the country for 2011 at ang Winnipeg ang may pinaka violent (most violent) crime sa kabuuan ng Canada. Ito ay base sa 39 known homicides na naganap sa Winnipeg hindi pa kabilang dito ang dalawang homicide na naganap ng 2011 pero ngayon lang taong 2012 nadiskubre. Ang dalawang dagdag na krimen ay kaugnay ng mga naging biktima ni Shawn Camayroon Lamb, ang alleged serial killer ng Winnipeg. Samakatuwid, 41 lahat ang bilang ng known homicide sa Winnipeg sa taong 2011. Welcome sa ating mga bagong dating, welcome po sa Friendly Manitoba.
Don’t get me wrong. Hindi po negative stimulus ang gusto kong iparating sa inyo. Isinusulat ko lang ang reyalidad ng buhay sa Canada, partikular sa Winnipeg.
Kapag naging bahagi na tayo ng isang komunidad, naniniwala ako na tayong lahat ay may responsibilidad para sa pagbabago ng lipunan. Walang big and small ideas – lahat ito ay mahalaga. Isa pa, ang importante ay mayroon tayong iaambag para sa inaasam nating change o pagbabago. Sa isyung ito, may pakikibaka tayong dapat gawin na ang layunin ay burahin ang bansag sa Winnipeg na crime capital ng Canada. Saan ba magsisimula ang pakikibaka? Sa mga pulpol ba nating pulitiko? Palagay ko, hindi. Ang pagbabago at paglutas ng krimen ay magsisimula sa ating mga sarili.
Noong mga nakaraang civic at provincial elections ay naging paksa ang crime prevention. Halos lahat ng mga pulpol na pulitiko ay nangako sa atin ng pagpapatupad ng mga polisiya para sa ikalulutas ng crime. Alam kong hindi instant ang paglutas ng anumang problema. Pero ano na ba ang naging matingkad at epektibong polisiya na ginawa ng ating City Council, Legislative Assembly at House of Commons para sa ikalulutas ng crime. Ano ang mga naging kongkretong aksyon? Epektibo ba ang mga ito? Tumutugon ba ito sa tunay ng pangangailangan o requirement ng ating lipunan? Solution-oriented ba ang kanilang policy model or Need-oriented?
Ito ang maaari nating gawing barometro sa pagbalik ng mga pulitiko sa atin at pag-katok sa ating mga pinto sa susunod na eleksyon para muli tayong suyuin o utuin. Hangga’t maaga, gumawa tayo ng listahan ng mga tanong natin sa kanila. Sa simpleng pagtatanong sa ating mga policy makers, community leaders at organizational leaders ng kahit anong bagay tungkol sa buhay dito sa Winnipeg ay isang mahalagang ambag ito para sa pagbuo ng isang malawak at komprehensibong polisiya.
Alam kong karamihan sa ating lahat ay busy sa trabaho. Pero kung may panahon tayo ay umattend tayo ng mga community meetings sa ating lugar. Kadalasan, nagkakaroon ng public consultations ang syudad at probinsya lalo na’t may mga isyung dapat lutasin sa ating lugar. Huwag nating hayaang makalusot ang pagsasa-batas ng mga polisiya na hindi dumaan sa tamang public consultation. Ang importante, kung may panahon tayo, makinig tayo at makialam.
Sa usapin ng krimen, isang mainit na isyu ang kaso ni Vince Li, ang lalakeng pumugot ng ulo sa kasakay na pasahero sa Greyhound bus noong 2008. Ang dahilan ni Vince Li ay: “he believed he was chosen by God to save people from an alien attack.” Samakatuwid, wala sa katinuan si Vince Li ng patayin niya ang fellow passenger. Hindi nabilanggo si Vince Li sa piitan kundi na-confine siya sa Mental Health Centre sa Selkirk, MB. Noong mga nakaraang buwan, may mga bali-balita na papayagan daw si Vince Li na makalabas ng Mental Health Centre on a supervised excursions, dahil may improvement na raw sa kaniyang kalagayan. Papayag ba kayo dito? Alam ba natin na mayroong ganitong update sa kaso ni Vince Li? Paano na ang kaniyang kasalanan, ngayong nag-iimprove na di-umano ang kaniyang kalagayan? Ganun na lang ba iyon?
Pangalawa, alam n’yo bang si Shawn Camayroon Lamb, ang alleged serial killer na nadakip noong Hunyo ay dating nakatira sa Sutherland Hotel sa Main Street? Diumano, madalas siyang sumakay ng bus ayon sa mga bali-balita ng aking mga busmates. Malamang nakasakay ko na siya sa Bus No. 16. Ang worry ko lang, baka umarte itong si Lamb sa korte at magpanggap na sira ulo tulad ni Vince Li. Maganda nga namang lusot ito para hindi siya makalaboso. Si Lamb ay prime suspect sa pagpatay kina Tanya Nepinak, Carolyn Sinclair at Lorna Blacksmith.
Pangatlo, nakaka high-blood ang batas ng Canada tungkol sa krimen. Madalas maglabas ng public warning ang gobyerno kaugnay ng paglaya ng mga criminals mula sa piitan. Ang kadalasang sinasabi sa public warning ay mag-ingat sa mga taong ito dahil may kaso sila ng pagpatay, rape at kung anu-ano pa. Ang tanong ko, threat pala sa lipunan ang mga ito, eh bakit pinakawalan ninyo? Bakit kailangang gawin nating komplikado ang buhay? Kung threat ang isang tao, dapat nakakulong pa ito. Ewan ko kung sino ang may katangahan sa pag-comprehend ng usaping ito.
Ang dami nating dapat punahin at ayusin bilang mga mamamayan ng Winnipeg at Manitoba. Kasama tayo sa pagbuo ng polisiya. Huwag tayong maging pipi at bulag sa nakikita natin. Kalampagin natin ang ating mga pulpol na pulitiko sa anumang issues na gusto nating ipahatid sa kanila.
Teka, bumalik na ba, tumawag, nag-email o sumulat man lang ang mga ibinoto ninyong pulitiko simula ng sila ay maluklok sa puwesto? Kinumusta na ba nila kayo? O kilala pa ba nila kayo? For sure, pag malapit na ang eleksyon, close na ulit kayo.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).