Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Magnanakaw!

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

Magnanakaw!

ni Noel Lapuz

Nanginginig sa galit si Aling Amelita habang ikinukwento niya sa akin ang naganap na panloloob at pagnanakaw sa kanilang bahay noong nakaraang Linggo. Saglit na saglit lamang na lumabas ng bahay ang mag-asawa ay kaagad silang nasalisihan ng mga magnanakaw.

Nakatanggap sila ng tawag mula sa alarm company na nag-abiso ng burglary sa kanilang bahay. Dali-daling umuwi ang mag-asawa. Nandoon na rin ang mga pulis. Sinabihan sila na huwag munang papasok sa bahay hangga’t hindi pa ito nasisigurong ligtas. Ilang sandali pa ay pinayagan na silang pumasok ng bahay. Sinalubong sila ng mga nagkalat na gamit, tila dinaanan ng bagyo at larawan ng paghahalungkat ang itsura ng kanilang pinagsamantalahang tahanan. Ramdam ni Aling Amelita ang “panggagahasa” sa kaniyang itinuturing na sanktwaryo.

Nakatanggap ng mga babala ang mga tanggapan sa downtown kaugnay ng dumaraming kaso ng nakawan. Hindi lamang gabi kung sumalakay ang mga magnanakaw kundi kahit sa liwanag ng katanghalian ay nagsasamantala sila.

Noong isang buwan ay naging saksi ako at ang marami pang mga customers ng isang drugstore sa downtown habang walang habas na nagnakaw ang dalawang lalaki. Walang nagawa ang mga tauhan ng drugstore. Pinagmumura pa ng dalawang lalaki ang mga tauhan ng drugstore habang hawak ang mga ninakaw na chips, soda at tila mga bote ng cough syrup.

Ang mga eksena sa bus ay nakakasuka at nakakapundi na dahil sa mga pang-aabuso ng mga pasaherong hindi nagbabayad. Napaka-unfair nito sa mga commuters na nagbabayad ng halos 100 dollars kada buwan para sa bus fare. Hindi patas na lagi na lang libre ang maraming mapang-abusong nilalang na wala na ngang bayad sa bus ay nagsisimula pa ng gulo dahil kundi hindi sila lasing sa alak ay lasing sila sa kung anumang substance na tinira nila. Ang garapalang hindi pagbabayad sa bus ay isang uri ng pagnanakaw.

Linggo ng gabi ay nagkakasiyahan pa ang pamilya Schultz sa Northwest area ng siyudad nang kinabukasan ay binulaga sila ng mga basag na windshields ng kanilang mga sasakyan. Akala nila ay sila lamang ang biktima hanggang sa mapag-alaman nila na pati pala mga sasakyan ng kanilang mga kapit-bahay ay pinagbabasag din. Bagama’t may insurance ang mga sasakyan ay malaking abala ito sa lahat. Habang pinag-uusapan namin ito sa opisina ay ibinahagi din ng aking co-worker ang pagnanakaw sa kaniyang sasakyan sa loob mismo ng parkade ng kaniyang tinitirahang condo.

Nakaw dito, nakaw doon! Mga salot! Magtrabaho kayo at huwag ninyong abusuhin ang mga walang kalaban-labang ordinaryong mamamayan! Mga peste!

Trabaho tayo nang trabaho para mapaayos ang ating buhay ngunit nakakagalit at nakakakulo ng dugo kung mauuwi lang sa mga magnanakaw ang ating mga pinagpaguran.

Hindi pwedeng idahilan ang kahirapan kung bakit nagnanakaw ang tao. Hindi dapat kunsintihin ang pagnanakaw. Dapat parusahan ang mga nagsasamantala. Ang hirap dito sa atin, ninanakawan ka na ay hindi mo pa makuhang gulpihin ang mga magnanakaw dahil ikaw pa ang lalabas na may kasalanan. Parehas ba naman iyan?!

Ewan ko ba, minsan ay hindi ko maintindihan ang mga batas dito. Parang pabor pa sa mga lumalabag sa batas.

Ang pinakamaganda nating gawin ay ang ibayong pag-iingat sa loob at labas ng bahay. Paalalahanan lagi natin ang mga miyembro ng pamilya na huwag basta-basta magbubukas ng pinto kapag may kumatok o nag-doorbell. Tumawag agad sa 911 kung sa palagay ninyo ay nasa peligro ang inyong buhay. Sumigaw at humingi ng saklolo kung may masasamang tao. Huwag maglalakad sa mga alanganing lugar. Huwag sasama sa hindi mo gaano kakilala. Mag-ingat sa mga barkada o kakilala na alam mong may mga bisyo o miyembro ng mga gangs. Mag-ingat lagi. Huwag magtiwala basta-basta.

Nakawan. Dahil kaya ito sa lumalaganap na meth addiction? Ano kaya ang ginagawa ng mga nanalong pulpol na pulitiko? Sana naman ay hindi lang sila puro satsat at puro papogi points.

Para sa ating mga masisipag na manggagawa, sana ay maging mapagmatyag tayo sa mga nangyayari sa ating paligid. Maging alerto. Alamin natin ang mga aktibidades ng ating mga anak at mga mahal sa buhay para masiguro natin ang kanilang kaligtasan. Mahirap na, napakaraming masasamang tao ngayon.

Ingat ulit, mga kababayan.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Latest Images

Trending Articles



Latest Images