![]() |
Ikaw ba si Lean Alejandro? |
ni Noel Lapuz
Kuya Lean,
Nasanay na tayong tumakbo nang matulin kapag tumira na ang teargas at bugahan tayo ng kanyon ng tubig habang nasa kainitan ng demonstrasyon sa harap ng makasaysayang tulay sa panulukan ng Recto at Mendiola. Mula Mendiola ay tatakbo tayong papalayo. Magpupulasan kung saan-saan. Basa tayo ng pawis at mabahong tubig mula sa fire trucks. Minsan, nakakarating tayo hanggang Divisoria. Ganoong kahaba ang tinatakbo natin. Ngunit alam mong hindi ito takbuhan ng organisadong run race kundi ito ay aktwal na habulan sa pagitan ng mga tumutugis sa ating kapulisan at tayo bilang mga miyembro ng tunay, totoo at hindi bayarang parliamento ng lansangan.
Consistent ka Kuya Lean sa iyong pakikibaka. Wala kang takot. Mahal na mahal mo ang kalayaan ng bansang Pilipinas at naniniwala ka na balang araw ay lalaya rin tayo. Tulad ng nagkakaisa nating diwa, hindi natatapos ang pakikibaka noong 1986. In fact, pinatay ka nga matapos ang EDSA. Tandang-tanda ko pa noong nagsasalita ang iyong Nanay sa tabi ng iyong kabaong sa Mendiola. Tulad mo, matapang si Nanay. Ang pagtangis ng sambayanan sa iyong kamatayan ay simbolo ng patuloy nating pakikibaka. Para sa akin, hindi ka naman tunay na namatay dahil nabubuhay ka pa rin sa marami – sa maraming nakakaunawa ng pagtatanggol at pagsulong ng kaganapan ng kalayaan at tunay na kasarinlan ng buhay.
Bakit ba bumalik ka sa isip ko Kuya Lean? Bakit kahit malayo ako sa Pilipinas ay damang dama ko ang init ng kilusan? Balitang balita kasi na halos wala nang halaga ang buhay ng tao diyan. Lalung-lalo na ang mga mahihirap at dukha na lagi na lamang ginagawang sample ng otoridad para ipagyabang na sila ang nasa control. Silang mga naka-baril na may basbas ng pinuno nilang pasista.
At ang masaklap dito Kuya Lean, majority yata ng taumbayan ay bulag pa rin hanggang ngayon. Nandoon pa rin kasi ang kulturang super hero ng ating mga kababayan. Nandoon pa rin ang kulturang subservient. “Yes Sir, Yes Sir,” lang para daw sa kaayusan ng Pilipinas. Nakakalungkot talaga kung ganito pa rin ang kaisipan ng marami sa ating mga kababayan.
Nababaluktot na rin ang kasaysayan. Baka dumating ang panahon na maging bayani na rin ang mga lumapastangan, gumahasa at sumaid ng kaban yaman ng bansa. At ikaw Kuya at ng mga marami pang hindi kilalang bayani ng bansa ay mababaon na lang sa limot. Sinong Lean Alejandro?
Siguro akala ng nagbabasa nito ay dilawan ako. Nakakatawa dahil kapag salungat ka sa kasalukuyang administrasyon ay sasabihan kang nasa kabilang panig ng pare-parehong mga bulok na partido. Alam mong walang partido sa tunay na pakikibaka dahil kahit sino pa ang nakaupo, nandiyan tayo para magbantay at makipaglaban para sa kalayaan, para sa katarungan.
Maraming taon na ang nakakalipas, nandiyan ka pa rin ba at nakikipag patintero sa mga alagad ng kapulisan? Binabayo ka pa rin ba ng mga batuta at sinasaktan nang walang pakundangan? Tinitiis mo pa rin ba ang pagtuligsa sa iyo ng mga hindi mulat na taumbayan at pinagtatawanan ka at binabansagang kampon ka raw ng komunismo at nalinlang na ang iyong isip ng mga turo ng kilusang iyong sinamahan? Parang dekada 70 ba ang iyong pakiramdam?
Mga Kuya Lean at Ate Lean, huwag kayong titigil sa pagbabantay at pakikipaglaban para sa rebolusyon ng malayang bayan. Huwag tayong magpalinlang sa huwad na “change” na ipinagyayabang ng gobyerno. Hindi piso ang buhay ng tao. Hindi isang libong piso ang halaga ng karapatang-pantao.
Wala nang sisihan. Binoto siya ng tao dahil sawang sawa na ang tao sa tunay na pagbabago at nahuli ng matanda ang kahinaan ng marami sa atin. Pero ang sabi nga, hindi natatapos at humihinto ang tunay na pagbabago. At dahil dito, ang saysay ng pagiging buhay ay ang walang tigil na pakikibaka. Wala kasiguruhan ang ating tagumpay ay makakamit sa lalong madaling panahon, pero hindi dapat tayo panghinaan na patuloy na lumaban para sa katotohan, katarungan, pag-ibig at kalayaan.
Salamat sa inyo, mga Kuya Lean at mga Ate Lean. Ipagpatuloy ang pakikibaka!
Nagmamahal,
Noel Lapuz
Winnipeg, Manitoba, Canada
September 29, 2017
“It is in the struggle that we fully realize what it means to be alive, and the more we struggle the more we see the beauty and profundity of life.” – Lean Alejandro (July 10, 1960 – September 19, 1987).
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).