![]() |
Anak na malaya |
ni Noel Lapuz
“Tay, tagay,” alok sa akin ng aking anak. At kumampay kaming mag-Ama sa pagdiriwang ng ika-labing walong kaarawan ng aking panganay. Ang tagay naming mag-Ama ay sumisimbulo sa kaniyang pagtawid sa pagiging adult. Parang kalian lang ay karga ko lang ang sanggol na ito sa aking mga bisig. Ngayon ay mas matangkad at malaki pa sa akin. Ang batang makulit ay makulit pa rin pero marami ng pagkakataon na may mga idelohiya na siyang tinatanong, kinukuwestyon at pinag-aaralan. Marami din kaming tunggalian ng mga opinyon. Nirerespeto ko ang kaniyang mga paniniwala ngunit sinasamahan ko pa rin ito ng gabay.
Nakita ko ang aking sarili 30 years ago. Ganito ako noong araw. Mapusok, matanong, walang takot, punong-puno ng excitement, creative, masaya, malungkot. Ang kapusukan ng ating kabataan ay maituturing kong isa sa pinakamakulay na bahagi ng ating buhay.
Aktibismo at paniniwala
Ang paniniwala at hindi paniniwala sa mga bagay sa paligid natin ay higit na nabibigyan ng tuon sa panahon ng ating kabataan. Sa edad na ito ay pinasok ko ang pag-aaral at pagsapi sa mga samahan at mismong kilusan na naglalayon ng pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Nag-aral kami ng teorya, nakipagdebate at lumutang sa komunidad bilang kasapi ng parliamento ng lansangan. Masarap ang pakiramdam. Fulfilling. Hindi alintana ang amoy ng tear gas kapag tumira na ang mga pasistang militar. Tatakbuhin mula Mendiola hanggang Divisoria para makatakas sa pagtugis ng mga parak. Walang takot. At magtatawanan pa kapag nalusutan ang mga bondat ng pulis. Uumagahin sa lansangan. Mag-aawitan ng mga makabayang awit. Mga awit ng rebolusyon at pagmamahal sa bayan:
Isulong ang adhikaing proletaryo ang maka-Diyos at makataong balangkas
Bangon na manggagawang Pilipino, tutulan ang panunupil at dahas!
Isulong ang adhikaing proletaryo at hindi ang interes ng iilan
Bangon na manggagawang Pilipino, isulong ang pambansang kasarinlan!
Ang panganay kong anak ay nakikisawsaw na rin sa mga usaping politika. Armado ng kaniyang gitara, camera at laptop ay naipapahayag niya ang kaniyang paniniwala at saloobin sa pamamagitan ng mga buhay na larawan, tula at mga awit. Maaari ninyong bisitahin ang kaniyang website sa: www.lapuz.net
Ang aktibismo sa puso naming mag-ama ay hindi tumitigil para sa kaganapan ng patuloy na pagbabago ng mundo.
Pag-ibig o init
Ang una kong pag-ibig ay sa Inang Bayan, ngunit dumarating din sa buhay ng kabataan ang attraction sa tao. Ang bugso ng damdaming kumakabog kapag nakikita na ang nililiyag. Ang init ng laman na natural lamang sa pagiging tao. Ngunit pinagsasabihan ko siya tungkol sa respeto sa katawan at pagpipigil sa kapusukan. Hindi lahat ng mainit ay dapat isabog. May tamang oras para sa lahat lalo na sa usaping ng pagtatalik.
Kabilang sa pagrespeto sa tao ay paggalang sa kaniyang katawan at ang hindi pang-aabuso dito at ito’y para sa lahat ng kasarian.
Pag-ibig man o init ng laman, marapat lamang na mananatili ang kamulatan ng tao, lalo na ng mga kabataan sa kung ano ang magiging bunga ng anumang hakbang. Sa madaling sabi, mag-isip muna nang todo at nasa tamang katinuan bago buwagin at isuko ang Bataan.
Katropa at ama
Pinipilit kong patuloy na maging tropa o kaibigan ng aking mga anak. Lalo na ngayon at mayroon na akong binata. Sana ay patuloy ang aming jamming, kuwentuhan, kulitan, debate at minimal na tagayan para mapanatili namin ang bukás at hindi nagkakahiyaang relasyon bilang mag-ama at magkatropa.
Tulad ng aking ama na hanggang ngayon ay nananatili kong kaututang-dila at para lang kaming magkaibigan ay maipasa ko rin sana ang ganitong level ng relationship sa aking mga anak.
Challenging ang magpalaki ng mga anak. Kailangan ang creativity at pang-unawa sa isa’t isa. Maraming mga barriers sa pagitan ng magulang at anak, pero sa huli ay mananatili pa rin ang wagas na pagmamahal sa dati mong sanggol na ngayo’y ganap nang malaya.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).