Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Ang taon ng mga pekeng manunulat

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

2016: Ang taon ng mga pekeng manunulat

at mga sirkero

ni Noel Lapuz

Bago pa man maging uso ang social media ay nandiyan na ang mga katulad kong mga simpleng manunulat na nagpapahayag ng mga totoong impormasyon, balita at nagsasambulat ng mga paniniwala at paninindigan sa pamamagitan ng pahayagan o media. Noon, kailangan mong magtapos ng kursong journalism o related na courses para ka mapasok sa mga media networks. May practicum, on-the-job training at mga pagsasanay bago ka isabak sa mundo ng pamamahayag. Napaka-competitive ng industryang ito. Marami ang mahuhusay magsulat, may magandang mukha para sa TV at may magandang boses para sa radio. May dangal ang mga manunulat. Nirerespeto sila ng taumbayan dahil sila lamang noon ang tanging source ng information na makukuhanan ng bayan. Napakahalaga ng propesyon sa media – ang pamamahayag ng patas at makatotohanang balita.

Itong nakalipas na taon ay kapuna-puna ang naglilipanang websites, bloggers at facebook pages na nagmimistulang circus. Natatawa na lang ako sa mga fake na balita sa Internet at sa mga self-proclaimed commentators sa social media. Nagkalat din ang plagiarism o ang ilegal na pangongopya ng mga artikulo. Si Senator Sotto ay nabuking sa kaniyang speech na kopya lamang pala at ang asawa ni Donald Trump ay nasilat din sa kaniyang paggamit ng ilang bahagi ng speeches ni Aling Michelle. Parang prank write ups na lang lahat ng makikita mo at mababasa mo sa social media. Hindi mo na malaman ang totoo at peke.

Noong panahon ng eleksyon sa Pilipinas at sa US ay marami ang nagkalat na mga pekeng pictures na dinoktor lang. Halimbawa, may mga pictures na akala mo ay napakaraming dumalo sa kanilang mga rallies pero tatatlong piraso tao lang pala. Na-photoshop lang pala ang mga litrato. Nagkalat din ang mga naggagandahang kababaihan at kalalakihan sa Internet. Akala mo’y mga artista pero kapag nakita mo ang tunay na mga itsura ay malayo ang mga ito sa mga litratong pino-post sa social media.

Ang grammar na nakaka-badtrip. Noong estudyante palang ako ay isang kahihiyan sa akin ang mag-submit ng aking assignments sa aking guro nang may maling grammar. Hindi ako mahusay na estudyante; average lamang ako. Pero napaka-importante sa amin noong araw ang malinis na pagkakabaybay at pagkakasulat ng aming mga artikulo, mapa-Ingles man o Filipino. Kailangan tama ang grammar, otherwise mamumula sa corrections ang iyong isinulat. As much as possible, pinipilit naming sumulat nang naaayon sa pinag-aaralan naming rules. May kalayaan kaming sumulat ng gusto namin, pero dapat ito’y nasa maayos na pagkakasulat.

Pero ngayon, magdadalang-hiya ka sa mga nababasa mong articles sa websites at social media na hindi mo mawari ang diwa. Minsan ay kitang-kita ang pagpupumilit. Minsan gusto mong tulungan pero maiisip mo baka maka-offend ka. At kung pupunahin naman ay babanatan ka ng ibang off-topic na reply at magiging personal ang atake. Dito naman pumapasok ang cyber-bullying. Kapag napag-initan ka sa social media ay aatakihin ang buo mong pagkatao. Ang choice mo ay lumaban sa kanila, patulan sila, i-ignore, i-block ang mga haters mo at ang ultimate ay i-deactivate ang iyong account. Nakakalungkot na ang mundo ng Internet ay naging tambayan ng mga iresponsableng mga tao.

Ang kalayaan ng pamamahayag ay may kaakibat na responsabilidad. Kung pampubliko ang ipinahayag ay responsabilidad ito ng nagsulat. May pananagutan ang sumulat sa kaniyang sinulat.

Ilang beses na bang napabalitang namatay si Jackie Chan? Ilang beses na tayong nakabasa ng mga news na nananalo na raw si Roxas o Duterte a week or days before the election? Ilang patay ang binuhay ng social media dahil sa mga tweets from dead people? Ilang pranks ang ating napanood?

Ilang kasaysayan ang binaluktot ng social media? Ilang bayani ang ginawang bayani sa kabila ng karahasan at kalapastanganan na iniambag ng mga taong ito sa human race?

Nakakalungkot. Pero tuloy ang pagsusulat ng mga tunay na manunulat.

Hindi sa number of likes and views ang basehan ng tunay na pamamahayag kundi nasa katotohan ng konteksto nito.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Trending Articles