![]() |
Walang biro, Pokémon Go player ako |
ni Noel Lapuz
Halos nagalugad ko na ang kabuuan ng The Forks pero hindi pa rin ako tumitigil ng paglalakad. Hindi ko pansin ang init ng araw basta’t mahanap ko lang ang mga nagtatagong creatures. May sightings sa bandang ilog! Natanaw ko rin ang kumpul-kumpol na players sa likod ng palaruan. Tahimik ang mga tao. Seryosong hawak ang kanilang mga smartphones at abala ang mga daliri sa paghuli sa mga nakapaligid na Pokémon. Gotta catch them all!
Phenomenon. Uso. Sa unang sigwada ng Pokémon Go sa America ay isa ako sa mga nakapag-download nito gamit ang aking Apple ID na US based. So, kahit wala pa ito sa Canada ay nagsimula na akong maglaro nito noong first week ng July.
Hindi komplikado ang paglalaro ng Pokémon Go. Kailangan mo lang maging masipag sa paglalakad at paghahanap ng mga Pokémons sa iyong paligid. Kapansin-pansin lang na mas maraming chances kang makakuha ng mga Pokémons sa downtown Winnipeg particular sa The Forks. Pero may mga pagkakataon din na may mga rare Pokémons na magpaparamdam sa mga ilang na lugar kahit saan. Ibig sabihin, hindi mo malalaro ang Pokémon Go kung hindi ka lalabas na bahay at kung tatamad-tamad ka lang pagkakaupo sa couch.
Ang kaibahan nito sa mga usual na Internet-based games ay ang walking or running components nito. Katunayan, ang kauna-unahang Pokemaster sa Canada na si Roberto Vasquez, na naka-base sa Toronto ay nakuhang makabawas ng halos 25 pounds dahil sa paglalaro. Nakumpleto niya ang 146 Pokémons sa loob ng halos tatlo’t kalahating weeks na paglalaro nito. Siya ay isang photographer so natural lamang na may edge siya sa iba pang mga players dahil lagi na siyang outdoors. Ganoon pa man, isang malaking accomplishment ang makumpleto ang lahat ng Pokémons at the same time mabawasan ang timbang.
I ran with my kids to hatch the eggs. Dahil sa addict ako sa running ay naging swak sa akin ang Pokémon Go. Minsan kasi, instead of catching Pokémons ay makakahuli ka ng itlog na kailangan mong i-hatch or incubate sa pamamagitan ng pagtakbo. Example: You may catch an egg with a 10-kilometer required running or walking distance to hatch. Therefore, obligado kang lumabas ng bahay at tumakbo o maglakad para ma-hatch ang itlog para maging ganap na Pokémon. Kaya, mas marami kaming oras ng mga kids para lumabas at tumakbo para maglaro. Timing na timing ang weather sa pagpasok ng Pokémon Go phenomenon.
Don’t play while driving. Katangahan naman siguro ang manghuli ng Pokémons habang nagmamaneho. May mga pop-ups na rin sa application na nagwa-warn sa paglalaro nito habang nagmamaneho. May mga accidents na nangyari sa paghahanap ng Pokémons pero, sa palagay ko, hindi ito dulot ng application mismo kundi dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao. Ang Pokémon Go ay active game kaya kailangan ang active na physical movements ng katawan. Simple lang, maglakad ka o tumakbo, but keep your eyes on the road too at baka madapa. Maging sensitibo rin sa mga nasa paligid dahil maaaring makatulong ka sa kapuwa mo habang naglalaro tulad na lamang na isang player sa Pilipinas na nakatagpo ng isang biktima ng heat stroke. At dahil sa nakita ito ng Pokémon player ay agad niyang tinulungan ang tao at nailigtas sa kamatayan. Wow! Bayaning Pokémon player.
Time management. Hindi naman dapat ma-compromise ang ating mga commitments dahil lamang sa paglalaro ng Pokémon Go. Siyempre may mga priorities tayong dapat unahin tulad ng pamilya, trabaho, pag-aaral at iba pang mas makabuluhang bagay. Tulad ng Aldub noong isang taon, isa ring phenomenon ang Pokémon Go na lilipas din, pero masarap na maging bahagi nito sa kasaysayan ng gaming world.
Ang mundo ay isang playground. It is our choice kung gusto nating maging masaya ang mundo natin sa pamamagitan ng pag-appreciate ng kalikasan, ng tao, at ng teknolohiya. May happy components ang mga bagay sa mundo na puwede nating gamitin at i-maximize para sa kasiyahan ng buhay. Bagama’t may mga puna at challenges, dapat ang laging manaig ay ang kasiya-siyang aspeto ng ating ginagawa. Halimbawa, dapat tayong maging masaya dahil may pamilya tayo, dahil may asawa tayo, dahil may mga anak tayo, dahil may mga magulang tayo, dahil may hanapbuhay tayo at dahil humihinga pa tayo. Being appreciative of things around us makes us happier.
Magsasawa din ako sa Pokémon Go pero atlit na enjoy ko naman ito.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).