![]() |
Sana mali ako |
ni Noel Lapuz
Habang papalapit ang pag-upo ng President-elect na si Mang Rody Duterte ay kinakabahan ako sa mangyayari sa bansang Pilipinas. Hindi ko alam kung mali ang nararamdaman ko ngayon dahil nakikita ko ang imahe ng isang diktador sa anyo ni Mang Rody Duterte.
Pasensya na at pasintabi sa mga tagasuporta at panatiko ni Mang Rody pero kahit anong gawin kong pag-intindi sa kaniyang mga isinusulong ay tila hindi ko malunok ang ganitong uri ng leader. Hindi ko rin naman masisi ang taumbayan na maging sabik sa imahen ng kakaibang leader dahil sa desperado na silang makamtan ang pagbabago. Desperado na kasi ang taumbayan para sa maunlad na Pilipinas. Desperado na ang taumbayan sa isang mapayapa at may seguridad na lipunan. At dahil sa pagiging desperado nila ay naghanap sila ng isang imahe na sa palagay nila ay magtatawid sa kanila sa landas ng pagbabago. Isang imahe ng katapangan at pagbabago para sa kanila. Isang imahe na kung saan nakikita nila ang kanilang sarili kapag sila’y nagagalit sa gobyerno. Kapag sila’y sawang-sawa na sa problema ng bayan. Nahuli ni Mang Rody ang kiliti at kahinaan ng taumbayan. Sana maging totoo ang mga pangako niyang pagbabago. At sana mali ang nararamdaman ko. Sana huwag mabigo ang milyong-milyong Pilipino na umaasa sa kaganapan ng pagbabago.
Pagbabago. Ang salitang ito ay ang una kong naging tema nang magsimula akong magsulat ng Batang North End. Naniniwala kasi ako na ang buhay ay dapat magpatuloy sa pamamagitan ng pagbabago para sa kabutihan at kaayusan. Maaaring magkakaiba ang metodolohiya ng bawat tao, ngunit ang hangad nating lahat ay ang pagbabago para sa maayos na mundo. Naniniwala din ako na ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Bagama’t ang mga inspirasyon o modelo ay nakakatulong sa pagbabago ng isang tao, sa bandang huli, ang tao pa rin ang makapagpapatunay at makapagpapatupad ng pagbabago. Sa madaling salita, hindi sapat na may lider tayong inaasahan dahil nasa sa atin pa ring mga sarili ang kahihinatnan ng pinili nating daan. Tayo mismo ang may pananagutan sa anuman ang kahihinatnan ng ating bukas.
Sino ba naman ang hindi nangarap ng kaayusan at kaunlaran sa Pinas? Lahat siguro tayo ay pinapangarap ito. Pero mahalaga din kung paano natin gagawin ang mga hakbang para makamtan ang mga pangarap na ito. Idadaan ba natin ito sa dahas, sa pananakot, sa pagdidikta? Isa pa, ang isinusulong ng mundo ay ang pagkakaroon ng global unity at global citizenship. Mahalaga ang interdependence ng bawat bansa. Hindi makakamtan ng isang bansa ang kaunlaran kung walang maayos na relasyon at pagkakaisa sa iba pang mga bansa. Ang alyansa ng mga bansa ay susi din para sa pagbabago ng mundo nating lahat.
Sadyang hindi pa ba hinog ang kaisipan ng mga Pilipino para sa pag-aalaga ng kalayaan? Mas gusto pa ba nilang bumalik sa pagiging alipin ng mga naghaharing uri sa lipunan? O sadyang curious lamang ang mga milenyong kaisipan sa ano ba ang buhay sa ilalim ng diktadura?
Pagkatapos ng anim na taon ay babalikan ko ang artikulong ito at hihimayin ko ang bawat kataga na aking isinulat. Sana pagkatapos ng anim na taon ay mali lahat ang mga isinulat ko. Sana hindi maiiwang bigo pa rin ang taumbayan sa mga pangako ng inyong lider. Sana huwag ninyong pagsisihan ang ginawa ninyong desisyon. Sana mali ako at tama kayo.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).