![]() |
Ang reyalidad at ang political correctness |
ni Noel Lapuz
Maraming mga isyu ang madalas iwasang mapag-usapan dahil maselan, makakasakit ng kapuwa at maaaring pagmulan ng hindi matapos tapos na debate. Ang mga taong takot mapag-usapan ang mga reyalidad ng buhay ay kadalasang mga politiko. Ayaw na ayaw nilang matanong sila ng posisyon nila sa mga kontrobersyal na isyu dahil tiyak na pupulaan sila ng taumbayan sa anumang posisyon nila. Dahil sa pagiging “safe” ng mga politiko sa mga ganitong usapin ay unti-unti nang umuusbong ang mga kakaibang karakter sa larangan ng politika. Kakaiba sila. Matapang silang nagpapahayag ng kanilang nakakagulat at prankang posisyon sa mga isyu.
Sikat na sikat si Donald J. Trump, isang nominado sa pagka-presidente ng Republican Party. Marami ang nagulantang at sinabing suicidal ang mga statements niya sa mga isyu tulad ng illegal immigration, refugees, at mga Muslim. Minsan sa kaniyang speech ay sinabihan niya ng masasakit na salita ang mga Mexicano. Bukod dito ay ipinangangalandakan niya ang pagtatayo ng isang wall sa border ng Amerika at Mexico para maiwasan ang pagpasok ng illegal immigration gamit ang border. Ang banat pa niya, Mexico daw ang gagastos sa pagtatayo ng wall na ito.
Isa pa sa kaniyang kontrobersyal na posisyon ay ang matapang niyang pagpapahayag na pagbawalan ang mga Muslim sa pagpasok ng Amerika temporarily hangga’t hindi pa nila nalalaman kung ano talaga ang nangyayari. “We will temporarily ban Muslims from entering the US until we find out what the hell is going on,” pahayag ni Trump.
Marami ang bumatikos kay Trump. Marami ang nagsasabing sira na daw ang ulo niya. Pero sa kabila ng mga batikos ay marami rin ang sumusuporta kay Trump dahil sawang sawa na raw sila sa mga tradisyunal na politiko na takot magsalita ng reyalidad ng buhay. Ang banat pa ni Trump, “We will make America great again.” Sa lahat ng campaign meetings na napanood ko ay hindi magkamayaw ang dami ng mga tao. Maraming supporters si Trump sa kabila o dahil sa kaniyang pagiging pranka. Kaabang-abang ang nominasyon ng Republican Party. Kung magiging standard bearer siya ng Republican Party ay sino naman kaya ang makakaharap niya sa tropa ng Democrats? Si Tata Bernie kaya o si Madam Hillary? Abangan.
Sa Pilipinas, nangunguna si Rodrigo Duterte sa ilang mga surveys sa pagka-Presidente. Kilala si Duterte na astig na Mayor ng Davao. Tahasan niyang sinasabi sa kaniyang mga speeches na may mga pinatay siyang tao dahil mga halang ang kanilang kaluluwa. Kaya naman hindi sila in good terms ni Ka Eta Rosales ang Chairman ng Human Rights Commission.
Madalas siyang magmura. Minsan na rin niyang nakabanggaan ang simbahang Katolika dahil sa pagbatikos niya kay Pope Francis. Naghamunan na rin sila ng sampalan ni Mar Roxas. Ipinagmamayabang din niya na ibabalik daw niya ang peace and order sa bansa within six months at ibabalik daw niya ang parusang kamatayan.
Marami ang bumabatikos kay Duterte dahil sa kayabangan di umano nito at sa walang habas na pagmamayabang ng pagpatay ng tao. Sa kabila nito ay marami din naman ang sumusuporta sa kaniya dahil sawang sawa na raw sila sa mga tradisyunal na politiko. Sawang sawa na raw sila sa huwad na daan. Sawang sawa na raw sila sa walang pangil na liderato ng bansa. Kailangan na raw ng bansa ang matapang na lider. Tingnan natin. Be careful of what you wish for.
Kung babalikan natin ang halalan ng pagka-Mayor sa Winnipeg ay naging laman ng balita ang Facebook comment ng asawa ni Gord Steeves tungkol sa mga pasaway na katutubo sa Downtown na wala raw umanong ginawa kundi ang manlimos at mambwiset ng mga taga Downtown. Marami ang bumatikos sa Misis ni Gord kaya hindi na ito pinahaba pa ni Gord. Kung sakali kaya na pinanindigan ni Gord ang pahayag ng kaniyang Misis ay nanalo kaya siyang Mayor? Laman ako ng Downtown at alam ko ang sinasabi ng kaniyang Misis. Racist agad?
Iba na talaga ang panahon. Marami ng iba’t ibang strategies para makakuha ng atensyon ng publiko at makasilat ng boto.
Anuman ang istilo ng mga pulitiko ay nakasalalay pa rin sa ating mga tao, at mga botante ang desisyon. Tayo ang magpapasiya. Tayo ang magsusulat sa balota.
Mag-isip tayo nang mabuti at huwag padalos-dalos sa ating magiging desisyon. Sa ating mga kapatid na Amerikano, good luck sa inyo. Sa ating mga kababayang Pinoy, isip-isip din pag may time.
At sa April naman dito sa Manitoba, bago tayo madala sa mga drama, kanta, sayaw at palabas ng mga pulitiko ay pag-aralan sana natin ang kanilang mga polisiya para sa ating probinsya. Maging matalino sa pagboto.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).