![]() |
Random act of kindness |
Ni Noel Lapuz
Isa sa paborito kong basahin sa Winnipeg Free Press ay ang portion nila ng “Random Act of Kindness.” Kung nababasa ninyo ito online or sa diyaryo mismo ay maiinspire kayo sa kabutihan ng maraming tao sa modernong panahon. Mayroong mga simpleng pagpapakita na kagandahang loob at mayroon naman talagang tila “to the max” ang paggawa ng kabutihan sa kapuwa. Nakakatuwa ang ganitong uri ng positive articles. Isa itong contagious na attitude na worthy of emulation ng maraming tao. Kaya naman maging sa social media network ay maraming followers and members ang RAK (Random Act of Kindness) groups. Sa social media ay updated ninyong masasaksihan ang kabutihan ng maraming tao around the globe sa kabila ng maraming hindi kagandahang pangyayari involving crime, corruption, wars, etc.
Sa loob mismo ng ating komunidad ay makakakita tayo ng maraming magagandang kuwento. Isa na rito si Althea Guiboche, isang katutubo na kilala bilang si Bannock Lady. Naging panata na ni Althea ang tumulong sa mga homeless and hungry sa pamamagitan ng pagluluto at pamamahagi ng tinapay na bannock. Dahil dito ay maraming nakuhang suporta si Althea mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad, lalung lalo na mula sa mga business owners. Dalawang taon na niyang ginagawa ito at patuloy na nakaka-inspire ng maraming tao kabilang na ako.
Isang sobrang init na tanghali ang hindi ko malilimutan nang ako ay nasa Dubai at nag-aabang ng taxi. Wala akong masakyan at tila mag-iisang oras na akong nakabilad sa tindi ng araw. Hindi man ako kumikilos ay dama ko ang paghulas ng pawis sa aking katawan. Ang dasal ko lang noong pagkakataong iyon ay mayroon sanang dumaang taxi na walang lamang pasahero. Pero hindi ito nangyari. Maya-maya pa ay may tumigil na taxi sa aking harapan pero may sakay itong tila Pilipino. Binuksan niya ang bintana at nagsabing: “Kabayan, halika na sumakay ka na at napakahirap kumuha ng taxi ngayon!” Hindi na ako nahiya dahil halos dehydrated na ako sa init. Pinasakay ako ni kabayan.
Alam kong tayong lahat ay may karanasan ng RAK; tayo man ang tumulong o tayo man ang tinulungan. Regardless kung tayo ang nag-initiate ng kindness o kung tayo ang beneficiary nito ay pare-pareho ang feeling natin at the end of the day, kundi ang pagiging masaya. Masaya tayo dahil sa pagiging mabuti ng katulad nating tao. Masaya tayo dahil sa dami ng masama sa mundo ay nangingibabaw pa rin sa maraming pagkakataon ang kabutihan.
Ang kabutihan ay reflection ng ating pagkatao. Hindi ito dahil sa relihiyon, paniniwala o pananampalataya. Believer man ang tao or non-believer puwede siyang maging daluyan ng kabutihan dahil ito ay mula sa kaniyang pagkatao. Mula ito sa kaniyang kultura at turo marahil ng kaniyang magulang, pamilya o komunidad. Ang kabutihan ay isang magandang stimulus sa ating komunidad. Kung maraming tao ang nagpapamalas nito ay mas magiging kaaya-aya ang ating komunidad.
Simple lang naman ang RAK. Hindi ito planado; kusa itong dumarating sa ating buhay sa mga pagkakataong hindi natin inaakala. Dahil dito ay tila matetesting ang pagkatao natin base sa hakbang na ating gagawin sa mga sitwasyong hindi natin inaasahan. Maraming mga reality shows ang nagpapakita ng totoong mga reaksyon ng mga tao sa iba’t ibang mga pagkakataon. Mayroong mga nakakakitaan ng kabastusan, pagkapikon, walang pakialam at mayroon din namang nananaig ang pagiging mabuting tao.
Hindi tayo perpekto. May mga pagkakataon na maiinis tayo sa mga sitwasyon. Pero kung dumating sa puntos na alam natin na mali ang nakikita natin at mayroong naaapi o hindi naitatrato nang maayos ay ano ba ang gagawin natin sa pagkakataong iyon? Magsasawalang kibo na lang ba tayo o gagawa tayo ng paraan para ituwid ang nakikita nating mali? Kung alam natin na ang isang tao ay nangangailangan ng immediate na tulong, ipipikit na lang ba natin ang ating mga mata?
Hindi natin kailangang maging hero pero dapat ipakita natin na tayo ay may ugaling tao.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).