![]() |
Shout out para sa inyong lahat!#BatangNorthEnd |
Ni Noel Lapuz
Hindi pa man uso ang Facebook at Twitter ay naging fan na ako ng social media. Dahil na rin siguro sa boredom, lungkot and homesickness ko noong nasa Middle East pa ako ay naging libangan ko na ang social media. Ang una kong social media encounter ay ang Yahoo Messenger o mas kilala sa tawag na YM. Ito ang pinaka-convenient na communication namin ng aking asawa at anak. Wala pa akong sariling computer noong araw kaya’t nagpupunta lang ako sa Internet café para makipagchat. Hindi tulad ngayon, basta’t may smartphone ka ay puwede ka nang makipagchat nang face to face sa sinuman using different applications.
Bukod sa aking pakikipagchat or C2C (cam to cam) sa aking mga mahal sa buhay ay sinubukan ko rin ang sumali sa mga virtual rooms or public chat rooms sa YM kung saan puwede kang mamili ng mga rooms depende sa iyong choice of topic. Nalibang ako sa room na kung tawagin ay Pinoy OFW room kung saan ito ay tila “tambayan” ng mga OFWs from different countries. May public chat window dito na puwede kayong mag-usap or mag-chat sa public. Minsan may mga debates sa different topics, mayroong mga nagbabahagi ng jokes, quizzes, minsan may ligawan, or worse minsan ay may away among members. The good thing with YM chat rooms ay mayroong mga tinatawag na moderators na kung saan kung foul ang mga comments mo ay puwede kang ma-boot-out from the room or even banned from entering the room for a period of time.
Mas masaya ang YM group chatting kung mayroon kang microphone at headset. Dahil dito, ay patok na patok din noong araw ang karaoke time sa mga YM rooms. Mayroon talagang host or master of ceremonies na nagmomoderate ng mga singers. Maraming beses akong sumali sa mga kantahan using my guitar. Magandang trip ito para sa mga lonely boys ng Middle East.
Nag-improve nang nag-improve ang mga social media applications. Sumikat ang video chatting at pumasok na ang Friendster na kung saan nababaduyan pa ako noong una kong nakita ito. Mukha kasing slambook na pang high school. Pero dahil uso noon ay nag-open din ako ng account. Hindi ako naging big fan ng Friendster dahil mabagal ang interaction. Di tulad ng YM chat rooms na live at mabilis ang interaction ko sa mga online members. Kaya tuloy pa rin ang aking involvement sa YM rooms until noong December 14, 2012 (nandito na ako sa Canada) nang tuluyan nang na shut down ang Yahoo public chat rooms. Mayroon kasing mga usap-usapan o chismis among YM community na ginagamit daw sa online pornography at sex trade ang YM kaya’t tuluyan na itong itinigil ng Yahoo. Sayang. Ang laking tulong ng YM chat rooms lalo na sa mga OFWs dahil sa contribution nito sa networking and friendship sa ating mga bayani ng bayan.
At nag-evolve na nga ang social media networks. Sumikat na ang maraming applications tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, MySpace, LinkedIn at marami pang iba. Sobrang dami.
Medyo active ako sa FB, pero may Twitter account din ako. Hindi ko na kayang i-manage ang aking Instagram kaya’t hindi ko na ito ginagamit.
Isa sa gusto ko sa FB ay mga different groups and pages na may iba’t ibang interests. Ang ilan sa mga favourite kong pages ay ang Retro Pilipino na kung saan mayroon silang mga larawan ng old Philippines – historical ang dating kaya gusto ko. Nandiyan din ang page ni Even Demata, isang popular na vlogger (video blogger) na unang sumikat dahil sa kaniyang mga videos tungkol sa “away” noon ni Joey De Leon at Willie Revillame. Sa ngayon, kung gusto ninyong makakita ng mga trending na issues at videos sa Pinas ay i-like n’yo lang o bisitahin ang page ni Even Demata. Marami ding commentaries dito from our thousands of Netizens from the Phillippines and around the world. Masaya at nakakalibang ang mga comments, videos at mga featured blogs dito. Kung news naman ang gusto ko ay may regular feed din ako ng CBC, CNN at Al-Jazeera. At syempre, friends din kami ni Mayor Brian Bowman at follower din ako ng City of Winnipeg FB dahil gusto ko rin ang civic politics.
Ilan sa mga hinahangaan kong mga Winnipeg based FB groups ay ang Life of Peg, Filipinos Winnipeg, at Kababayan @ Winnipeg. Siguro puwede kong i-consider ang Life of Peg na parang modern bayanihan online. Dito, puwede kang magtanong ng kahit ano at siguradong may sasagot sa iyo. Marami rin ditong mga members na nasa Pilipinas na may mga application as provincial nominees. So, ang grupo ay may mga discussions base sa kanilang mga karanasan tungkol sa mga issues, procedures, challenges and opportunities kaugnay ng immigration. Bagama’t hindi official ang mga advise mula sa FB group na ito ay nakakatulong naman sila dahil sa mga actual experiences ng iba na puwedeng pagbasehan ng mga papunta pa lamang dito. However, it is always best to seek legal assistance or kumunsulta sa mga government offices. Shout out para sa mga organizers ng Life of Peg na sila Vangie Mance and Ces Beltran.
Noong araw, ang almusal ko ay diyaryo, kape at yosi. Tinigil ko na ang yosi. Nag-minimize na ako ng kape at wala na akong subscription ng Philippine Daily Inquirer at People’s Journal. Nag-switch na ang aking umaga sa aking FB or Twitter via iPhone habang nasa bus. Nandito na ang halos ang lahat, ang news, analysis, commentaries at live interaction with the world depende kung saan mo gustong makipagbalitaktakan.
Oo nga pala, shout out din kay Arnel San Jose sa kaniyang mga words of wisdom araw-araw! Yes, sir!
Para sa akin, ang social media ay bahagi na ng buhay nating lahat. Malaki ang naging tulong sa akin nito lalung-lalo na noong ako ay isang OFW pa. It helped me socialized virtually at nakapag-reach-out ako sa maraming mga OFWs na naghahanap din ng mga kausap at kaibigan. Ang social media ay naging tool para sa convenient na pakikipag-uganayan natin sa ating mga mahal sa buhay. Ang social media ay nagiging daan para sa bagong anyo ng bayanihan. At naniniwala ako na ang social media ay puwedeng maging tulay para sa maayos na mundo.
Shout out para sa inyong lahat! #BatangNorthEnd.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).