![]() |
Ang mensahe ng eleksyon sa demokratikong bansa |
By Noel Lapuz
Saludo ako sa lahat ng mga naging bahagi ng katatapos na civic election sa Winnipeg. Sa lahat ng mga kandidato, nanalo man o hindi, sa mga volunteers, election officers, media, voters at mga observers – salamat sa pagiging bahagi ng demokratikong proseso na ito.
Lalo akong napa-bilib sa mga hindi pinalad na mayoral candidates dahil sa kanilang pagiging propesyonal sa pagtanggap sa resulta ng election. Sa loob lamang ng ilang sandali matapos malaman ng publiko na nanalo na si Brian Bowman ay kaagad nagpahayag si Judy Wasylycia-Leis ng kaniyang pag-concede. Ganoon din naman, ilang sandali pa habang nagdiriwang ang kampo ni Bowman ay sumulpot si Robert Falcon-Oullette upang magpahatid ng personal na pagbati. Matapos nito ay nagpakita rin nang personal si Gord Steeves upang batiin ang bagong Mayor ng Winnipeg.
Ipinagmamalaki ko ang electoral process na ito na maayos na naipapatupad dito sa Winnipeg. Malaki ang kaibahan sa kinamulatan kong electoral process at political culture sa Pilipinas na wala halos tumatanggap ng pagkatalo. Hindi natatapos ang bilangan sa loob ng ilang oras lamang. Minsan ay umaabot ng linggo o buwan bago malaman ang resulta. At kapag may nanalo na, ang gagawin ng natalong grupo ay magpo-protesta dahil nadaya raw. Sana dumating ang panahon na maging maayos ang eleksyon sa Pilipinas at magkaroon ng mga kandidato na buong pusong tatanggap ng kanilang pagkatalo.
Balik tayo sa Winnipeg, alam nating lahat na dalawang Pilipino ang nagharap para sa City Council seat sa Point Douglas Ward – ang incumbent at re-elected na si Mike Pagtakhan at ang dating School Trustee na si Anthony Ramos.
Bilang residente ng Point Douglas Ward ay nagbibigay ako ng karampatang respeto at pasasalamat kay Anthony Ramos dahil sa kaniyang pakikibahagi sa demokratikong prosesong ito. Bagama’t hindi pinalad ay nagpamalas si Ramos ng pagnanasa na mapaglingkuran ang aming komunidad sa Point Douglas Ward.
At para kay undefeated at re-elected city councillor, Mike Pagtakhan, salamat sa ipinakita mong passion para patuloy na paglingkuran ang komunidad sa Point Douglas Ward. Sana ay panatilihin mo ang pagiging in-touch sa taumbayan.
Ang election race ng dalawang Filipino-Canadians na ito sa iisang puwesto ay pagpapatunay na marami tayong mga leaders na puwedeng mamuno sa ating diverse na komunidad. Huwag nating isipin na ito ay agawan lamang sa boto ng mga Filipino-Canadians kundi ituring sana natin ito bilang propesyonal na kompetisyon ng mga leaders at potential officials ng ating bayan. Mapalad tayo dahil parami nang parami ang mga Filipino-Canadians na nagnanasang maglingkod sa municipal, provincial at federal positions. Para sa akin, ito ay isang pride ng pagiging Pilipino.
Ang eleksyon ay isang proseso ng pagiging malayang bansa. Igalang natin ang desisyon ng mga nakararami at maging bahagi sana tayo sa pagsulong ng ating mga komunidad. Tapos na ang eleksyon, panahon na para tayo’y magtulungan para sa magandang kinabukasan ng ating pamayanan.
Sa darating na provincial and federal elections, two years from now, ay natitiyak kong marami na namang mga Filipino-Canadians ang magtutunggalian sa mga puwesto. Nangyari na ito noong nakaraang provincial elections partikular sa Tyndall Park Riding na pinaglabanan ng tatlong Filipino-Canadians na sina Ted Marcelino ng NDP, Roldan Sevillano ng Liberal Party at Cris Aglugub ng Conservative Party. Si Marcelino ay pinalad na mahalal sa riding na ito na dating puwesto ni ngayo’y Winnipeg North Member of the Parliament Kevin Lamoureux ng Liberal Party.
Ang tanong: mayroon kayang rematch sina Sevillano, Aglugub at Marcelino o mayroon kayang bagong kakandidato mula sa kampo ng Liberal at Conservative na Filipino-Canadians din? May naririnig na ba kayo? Kung mayroon, let’s drink to that. Champagne?
Bagama’t malayo pa ang provincial elections, ngayon pa lamang sana ay tandaan natin na ang tunggalian ng mga Filipino-Canadians sa mga political positions ay pagpapatunay ng galing ng Pilipino bilang mga leaders ng ating komunidad!
Sa lahat ng mga Filipino-Canadian elected officials, community at political leaders, ipagpatuloy ninyo ang pagtataguyod ng demokrasya. Dahil dito sa Canada, we are strong and free!
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).