Quantcast
Channel: Batang North End
Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Tipikal na Pinoy ka ba?

$
0
0
Batang North End ni Noel Lapuz

Tipikal na Pinoy ka ba?

By Noel Lapuz

Mas uunahin ng isang pamilyadong tao na tulad ko ang maglaan ng oras para sa aking mga mahal sa buhay kaysa makisawsaw sa mga isyu ng komunidad. Kapag may spare time lang din naman ang isang tipikal na Pinoy sa Winnipeg na tulad ko, ay makakalamang na ipahinga ko na lang ito o i-enjoy kasama ang aking pamilya, kamag-anak o mga kaibigan kaysa magdagdag pa ako ng sakit ng ulo dahil sa mga isyu-isyu sa paligid. Ang dami-dami ko ng ginagawa at hindi naman kasi ako ang tipo ng tao na makikipag balitaktakan sa harap ng publiko para sa mga isyu ng komunidad o lipunan. Simpleng mamamayan lang naman kasi ako. Ikaw din ba?

Hindi ito nangangahulugan na wala akong pakialam sa komunidad. Bakit pa ba ako nagsusulat kung hindi mahalaga sa akin ang komunidad? Pero may priority ako. Ang priyoridad ko ay itaguyod ang buhay ng pamilya ko at gabayan ang aking mga anak, para maging mabuti silang tao. Kapag naging mabuti silang tao, siguro magiging maayos din silang mamamayan. Ganito rin ba ang priyoridad mo?

Ibig sabihin, ang kawalan ko ng presensya bilang bahagi ng mga samahan sa ating komunidad ay hindi katumbas ng pagtalikod ko dito. Hindi naman kasi requirement o pre-requisite ang pagsapi sa mga samahan para makapag-ambag ang isang tao sa kaniyang komunidad. Hindi kailangang maging member ka pa ng kung anu-anong samahan kung gusto mong tumulong sa kapuwa mo. Hindi kailangang maging opisyal ka pa o board member or even halal na pulitiko kung gusto mong maglingkod sa kapuwa mo. Kahit isang payak ka lang na tao, kung malinis ang intensyon mo at kung gusto mo, puwede kang mag-reach out kahit sa maliit na paraan lamang at hindi mo rin kailangang ipangalandakan ito. Hindi ka rin ba member ng grupo-grupo diyan? O hindi mo rin ba feel ang sumapi sa mga samahan?

Hindi puwedeng i-claim ng sinumang grupo, samahan o assembly na boses sila ng Pilipino. Dahil walang sinumang nakaka-alam kung ano ang nasa puso at isip ng isang tao kundi sila mismo. Malay n’yo ba sa nararamdam ni Mang Juan, eh, hindi naman siya nakikisali sa inyo? Simple lang siyang tao, mabuting kapitbahay, nagbabayad ng tax, nagta-trabaho nang maayos, nagbabayad ng utang. Hindi kayo ginagambala ni Mang Juan bagkus siya ang kinakatok n’yo kapag kailangan ng suporta ng komunidad. Donasyon dito, ticket doon, fundraising dito, tulong sa nasalanta, tulong sa kaniya, tulong sa pagpapatayo, tulong para makaahon at marami pang iba. Para ka rin bang si Mang Juan?

Sino ba kasi ang mga aktibo sa mga samahan? Mga katulad ba ni Mang Juan na tipikal na mamamayan? O silang mga may interes sa negosyo, politika at impluwensya?

May negosyo ba sila? Ahente ba sila? Nagbebenta ba sila? May pino-protektahan ba silang business? May nililigawan ba silang grupo? Nagpapapogi points ba sila sa kanilang mga constituents dahil sila’y mga politiko at nagbabalak maging politiko?

Hindi naman tanga ang simpleng mamamayan para hindi maintindihan at maramdaman ang intensyon ng ilan. Pansarili ba o para talaga sa taumbayan?

Masarap mahalin ang komunidad. Masarap maglingkod sa kapuwa. Sa maliit nating paraan, puwede nating gawin ito at huwag na muna tayong lumayo. Simulan natin ang pagbuo ng isang maayos na pamayanan sa loob ng ating tahanan. Hindi man tayo sikat, wala man tayo sa diyaryo, TV, radio o Internet, hindi man tayo opisyal ng grupo o halal na politiko, hindi man tayo member ng alagad ni kahit sino. Ang mahalaga ay totoo ang intensyon nating bumuo ng isang maayos na komunidad – tayong mga tipikal na Pinoy – mga simpleng tao.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 121

Latest Images

Trending Articles



Latest Images