Pin.dot.com
By Noel Lapuz
Ano pa ba ang hindi online sa panahong ito?
Simulan natin sa pagluluto. Kapag hindi ako sigurado kung paano lutuin ang isang putahe, isang pindot ko lang sa Panlasang Pinoy Channel sa YouTube ay nandoon na ang video. Kapag na-late naman ako sa pagsubaybay sa My Husband’s Lover ay nandiyan ang maraming websites na nagpapalabas ng lahat ng programa sa Pinas. On the side, habang nagluluto ay puwede rin akong mag-live-stream kay Deo Macalma at Milky Rigonan sa DZRH o kapag local naman ay tutok ang umaga ko sa CJOB.com/mornings mula sa nakakagising na balita, diskusyon at humour ni Hal Anderson.
Online banking. Yes, hindi ko na halos matandaan ang mukha ng mga bank tellers dahil napakadalang o halos hindi na ako pumupunta physically sa aking bangko. Hindi na rin ako gumagamit ng CD para makinig ng music dahil may mga libreng apps na puwede kang mag sound trip ng libre. Isama na rin natin ang kahit anong films na puwede mong mapanood sa Netflix at libre sa 1Channel.ch.
Pagdating sa news, naglipana ang napakaraming websites at channels mapa-lokal man o international. Tagasubaybay na rin ako ng Rappler.com, isang social news network na naka-base sa Pilipinas. Dito lumipat ang Pugad Baboy ni Pol Medina, Jr. matapos siyang mag-resign sa Inquirer.
Ang physical mailbox ko ay halos junk mails na lang yata ang laman dahil electronic bills na halos ang natatanggap ko. Kapag gusto ko namang mangumusta sa kaibigan o kamag-anak ay isang poke lang o message ay puwede ng mag-set-up ng chat o Skype. Darating siguro ang panahon, hindi na natin makikita si Mr. Postman. Ang kanta ng Carpenters tungkol sa kanila ay mananatiling thing of the past na lang.
Shopping? Ang aking panganay ang suki dito, hindi na siya pupunta pa ng mall para bumili ng mga damit. Mag-lalambing at magpapa-good shot sa akin kapag may nagustuhan sa website, at sa ilang saglit, konting pindot, tapos ang shopping. Hindi na rin nanonood ng TV ang aking panganay, pero updated siya sa mga nangyayari sa mundo, sa music, movies and trends. Impluwensyado na nga yata ako dahil mas convenient yatang manood online kumpara sa traditional television.
Pati pagre-remit ng pera sa Pinas ay online na din. Hindi tulad noong nasa Dubai pa ako na pipila pa kami sa padalahan ng pera. Ngayon, kaunting pindot, tapos.
Marami ding mga relationship at romance ang nagsimula at nabuo online. Mayroon ding mga binebentang panandaliang aliw online at pati-sugal ay online na rin. Pindot-pindot lang panalo ka na o talo ka.
Maghahanap ka ng trabaho? Noong araw, kapag linggo, pinaka-mabili ang Manila Bulletin dahil sa makapal nitong pages ng classified ads. Dati itong pinakasikat na source kapag ikaw ay nasa job hunting. Gusto kong makakita ng Manila Bulletin, Sunday edition. Gaano kaya ito kanipis ngayon?
Traffic na ang webworld. Lahat ay nandito na. Lahat ay naka-upload na. Mula sa pribado mong profile hanggang sa pinaka-trending na tsismis sa mundo ay naka-store lahat dito.
Tanong ko lang, ano pa kaya ang hindi online or hindi associated online? Wala na yata. Lahat na yata halos ay pindot-pindot na lang.
Isa sa gusto ko sa social media or social networking ay ang malayang pagpapalitaan ng mga opinion tungkol sa maraming bagay. Katatapos lang ng Million People March sa Pilipinas at nag-trending ito sa mga social networking sites. Maraming forum and discussions pati mga videos and pictures ay available sa mga social media sites. Kung community organizing din naman ang pag-uusapan, hindi maikakailang social networking ang isa sa pinaka-effective na paraan para sa isang matagumpay na community event, campaign or cause.
Marami ding instant celebrities ang na-didiskubre online. Latest kung napanood kay Jessica Soho`s KMJS si Totoy Brown, isang binatilyong biglang sikat dahil napaglaruan ang kaniyang mukha at pinatong ito sa maraming celebrity pictures na pumatok sa marami at kumalat ng kumalat nang kumalat, obviously, hanggang labas ng Pilipinas. Ang resulta, biglang sikat si Totoy Brown.
Tanong. Paano kung tumigil ang Internet? Wala kayang limit ang pagpopulate ng data sa Internet cloud? Paano kung mawala ang access mo sa mga importanteng bagay na itinago mo through online applications or websites? Gaano ka-secure ang website?
Sa kabila ng mabilis na panahon natin ngayon, dapat siguro ay tumigil tayo minsan para i-assess ang oras nating nakatutok sa ating mga smartphones at tablets. Mayroon pa ba tayong time para magkaroon ng makabuluhang interaction lalo na sa ating mga mahal sa buhay na hindi gumagamit ng gadget kundi pure human interaction lang?
Walang masama sa automation at online services, pero higit sa lahat, mas kailangan nating ipadama ang human touch bilang mga tao at hindi puro touch screen sa ating mga gadgets.
Pindot tayo nang pindot sa mga bagay na tila may buhay. Nalilibang tayo ng kapipindot dahil madaling pumindot at nakaka-adik pumindot. Pero paalala, hinay-hinay sa pagpindot at bigyan pa rin natin ng halaga at panahon ang mga nasa paligid nating may dugong dumadaloy, may tumitibok na puso at hindi de-baterya ang buhay.
Pindot. Magandang pamagat ito ng indie film ah? Sige, masubukan ko ngang mag-vlog.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).